Kapitan ng Barangay Sta. Rita Pinagbabaril, Sugatan; 51-anyos na Balo Binoga ng Tandem, Patay

Ligtas na sa kamatayan ang kapitan ng barangay Sta. Rita sa bayan ng Jaen at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital matapos ratratin ng hindi pa nakikilalang na gun man.

Kinilala ang biktimang si Arsenio Santos y Cardova, singkwenta’y siete anyos, residente at Punong Barangay ng nasabing lugar.

Ayon sa ulat ng Jaen Police Station, bandang alas syete ng gabi papauwi na sana ang biktima sa kanyang tahanan sakay ng kanyang motorsiklo, habang binabagtas ang kahabaan ng kalsada sa barangay Pamacpacan, Jaen ay bigla na lamang bumuntot ang suspek lulan din ng isang motor at binaril ng sunud-sunod ang biktima.

Mabilis na naisugod sa pagamutan ang biktima na tinamaan ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Hindi na umabot na buhay sa ospital ang isang singkwenta’y uno anyos na balong ginang makaraang pasukin at barilin sa kanyang sariling bahay sa barangay Sta. Barbara, bayan ng San Antonio.

Nagtamo ng isang tama ng bala sa dibdib ang biktimang si Imelda Relucio y Mallari, residente ng naturang lugar.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, alas dyes ng umaga nagpanggap na bumibili ng yelo ang mga hindi nakilalang suspek sakay ng isang kulay itim na Bajaj motorcycle na walang plaka.

Paglabas ng biktima para sana ibigay ang yelo ay bigla na lamang siyang binaril ng isang beses ng isa sa dalawang suspek.- Ulat ni Clariza de Guzman

[youtube=http://youtu.be/IaXy0ktzBcs]

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *