Kaso ng dengue at leptospirosis sa Nueva Ecija sa taong 2018, tumaas

Halos 200% ang itinaas ng bilang sa kaso ng dengue dito sa lalawigan para sa taong 2018 habang nasa 22% naman ang idinagdag sa kaso ng leptospirosis.

Mula sa 2,686 na kaso ng dengue noong taong 2017 ay lumobo sa 7,091 kaso ang naitala ng PHO o Provincial Health Office para sa taong 2018.

Nanguna sa pinakamaraming kaso ng dengue ang Cabanatuan City na umabot sa 1,471 mula 657 cases noong 2017.

Pumangalawa naman ang bayan ng San Isidro na may 771 mula sa 59 na kaso lamang o mahigit 1,200% ang inilobo.

Sinundan naman ito ng bayan ng San Antonio na nakapag-report ng 515 kaso, ika-apat ang bayan ng Jaen na may 464 kaso at ang Talavera na may kabuuang 355 kaso.

Ang San Jose City naman ay bumaba ng 14.09% ang naitalang kaso ng naturang sakit na sinundan ng bayan ng Lupao na 13.33% ang ibinaba sa kabuuang bilang.

Dalawampu’t tatlo naman ang bilang ng mga namatay sa lalawiga, pinakamarami ang bayan ng Jaen kung saan lima ang naitala.

Ayon kay Dra. Josefine Garcia, Health Officer ng PHO, ang dengue ay hindi na seasonal ngayon kundi buong taon na ito na umaatake sa mga tao kaya lumobo ang bilang nito.

Samantala ang sakit naman na leptospirosis ay bahagya ring tumaas ang kaso kung saan umabot sa 140 ang bilang kumpara sa 115 na kaso noong 2017.

Labinglima rito ang naitalang namatay, pinakamataas ang sa Science City of Muñoz na may tatlong kaso, tig-dadalawa sa mga bayan ng Sto. Domingo at Gabaldon at sa Cabanatuan City at tig-iisa naman ang mga bayan ng Cuyapo, Talugtug, Gen. Natividad, Lupao, San Leonardo at Guimba.

Payo ni Dra. Garcia sa mga Novo Ecijano lalo na sa mga madalas na lumusong sa tubig gaya ng mga magsasaka na laging magsuot ng bota lalo kung may mga sugat sa paa para hindi ito maimpeksyon. –Ulat ni Jessa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *