KASONG LARGE SCALE ILLEGAL RECRUITMENT, PINABABASURA NG KAMPO NINA SERGIO AT LACANILAO

Pinababasura ng kampo ng maglive-in partner na sina Cristina Sergio at Julius Lacanilao ang kasong Large Scale Illegal Recruitment na isinampa sa kanila ng tatlong di umano’y kanilang pinangakuan ng trabaho sa ibang bansa.

Sa pahayag ni Attorney Persida Acosta, abogado nina Sergio at Lacanilao, walang nangyaring illegal recruitment sa tatlong nagreklamo laban kina Sergio at Lacanilao, dahil wala silang perang ibinayad sa dalawang akusado.

Giit ni Attorney Acosta, biktima ng injustice ang maglive-in partner dahil sa illegal na pag-aresto sa kanila noong Mayo a singko, kaya dapat lamang na maibasura ang kaso at mapalaya ang mga ito.

Ayon kay Hon. Mark Roland S. Estepa, State Prosecutor II ng Department of Justice, inihain ng kampo ni Sergio ang Motion to quash noong nakaraang linggo na kanila namang tinutulan.

Samantala, sinabi ni Attorney Acosta na nagkaroon sila ng background check sa tunay na estado ng buhay nina Sergio at Lacanilao sa tulong ng kapulisan at Barangay kung saan sila nakakuha ng certificate of indigency ng dalawa.

Makatutulong naman daw ang affidavit ni Sergio sa kaso ni Mary Jane Veloso dahil nakasaad dito na inosente at biktima lamang siya, ayon pa rin kay Attorney Acosta.- Ulat ni Shane Tolentino 

 

[youtube=http://youtu.be/PXbHeX5F8Jw]


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *