Kauna-unahang dating game ng PGNE ngayong Valentine’s Day, nagpakilig sa mga empleyado

Nagbigay ng kilig at saya hindi lamang sa mga lumahok kundi maging sa mga empleyadong manunuod ang kauna-unahang Valentine’s Dating Game na pinamagatang “Cupid Tumibok Ang Puso, Match Bagay Tayo!”na pinangunahan ng Provincial Human Resource Management Office o PHRMO, noong Martes, February 11, 2020.

Nilahukan ito ng labing tatlong mga babae at labing apat na mga lalaki na pawang mga single mula sa iba’t ibang departamento ng kapitolyo at mga District Hospitals sa lalawigan.

Ang konsepto ng dating game, hindi makikita ng mga searcher o mga pipili ang mga searchee o mga pagpipilian, may mga hinandang katanungan ang mga searcher na kailangang sagutin ng mga searchee upang sila ang mapili.

Ayon kay Roseten Tugaff, Head ng PHRMO, magkakaroon ng isang friendly date ang mga searcher at searchee sa mapipili nilang Restaurant sa Cabanatuan City.

Kinabahan, na-excite at nag-enjoy, ito ang samu’t saring naramdaman ng mga lumahok sa pakulo na ito at Valentine’s treat ng provincial government para sa mga single employees.

Nagpasalamat si Tugaff sa mga lumahok, nakiisa at sumuporta sa programa lalong lalo na kina Governor Aurelio Umali at Vice Governor Anthony Umali  para sa pagsasakatuparan ng naturang pagdiriwang.

Sa mensahe naman ni Governor Umali ay sinabi nito na sa kabila ng mga pagsubok na kinahaharap ng mga Pilipino kabilang ang pagsabog ng Taal Volcano, bagyo, lindol at banta ng sakit na Novel CoronaVirus o NCoV ay nagagawa pa rin nating ngumiti at ipagdiwang ang araw ng mga puso kahit sa simpleng pamamaraan lamang, patunay na anumang problema ay kayang-kayang lampasan sa tulong at pagmamahal ng bawat isa.

Sinabi din ng gobernador na ang pagmamahal ay hindi lamang puro saya kundi kaakibat din nito ang sakripisyo at obligasyon para sa taong minamahal.

Pinasalamatan din ng punong panlalawigan ang PHRMO sa pagsasagawa ng ganitong uri ng programa upang maipagdiwang ang Valentine’s Day at paalala niya na huwag kalilimutan na ang pag-ibig ng Diyos ay tunay at sapat para sa lahat.— Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *