KAUNA-UNAHANG KARERA NG BALSA, KAKAIBANG KARANASAN SA BAYAN NG PEÑARANDA

Bago at kakaibang experience ang naranasan ng mga residente ng brgy. San Josef sa bayan ng Peñaranda na lumahok sa kauna-unahang Karera ng Balsa 2015.

 

Gamit ang tsinelas sa pagsagwan, balsa na may habang 5 metro at lapad na 1 metro, ay binaybay ng mga kalahok ang Peñaranda River Irrigation System.

 

Hindi maalis ang ngiti sa mga labi ng mga manlalaro lalong higit kina Christofer at Mang Edgardo nang tanghalin sila bilang kampeon sa nasabing palaro.

 

Una rito, anila Mang Edgardo na matapos ang ilang taon ng tila malungkot na pagseselebra ng taunang Fiesta dahil sa kawalan ng mga palaro sa kanilang lugar, ngayong taon muling naibalik ang sigla at kasiyahan sa brgy. San Josef sa ilalim ng pamumuno ng bagong halal na pangulo ng pista ng brgy.

 

Ayon sa pangulo ng brgy. na si Marlon Abesamis, ang konsepto ng mga nasabing palaro ay kaniyang nabuo base sa pang-araw-araw na buhay ng karamihan sa kaniyang mga kabarangay kung saan ang pagsakay sa balsa ang gamit ng mga ito sa pangingisda at pagtutumana.

 

Dagdag pa ni Abesamis na lubos ang suporta ng lokal na Pamahalaan ng Peñaranda sa pangunguna ni Mayor Ferdinand “Blue Boy” Abesamis kasama ang ilang opisyal ng brgy. sa taunang pagdiriwang ng kanilang Fiesta partikular sa pagpapanatili ng katahimikan hindi lamang sa brgy. San Josef kundi maging sa buong bayan ng Peñaranda.

 

Bukod sa karera ng balsa, ilan pang palaro ang naging sentro ng pista tulad ng parada, firework display at iba pa. – Ulat ni Mary Joy Perez


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *