Kauna-unahang Museo ng Kultura ng Pagsisibuyas, pinasinayaan

Dinaluhan ng National Commission for Culture and The Arts, mga negosyante at pribadong sector ang pagpapasinaya ng kauna-unahang Museo ng Kulturang Pagsisibuyas na ginanap sa Brgy. Sinipit, Bongabon, noong April 9, 2019.

Ayon kay Armando Giron, Founder ng Sibuyas Festival at kasalukuyang Vice Chairman ng Nueva Ecija Council for History Culture and The Art, nabuo ang Museo dahil sa kaniyang labis na pagmamahal sa kultura at kasaysayan ng naturang bayan.

Dagdag pa nito, ang mga nakasabit na obra maestra ay hango sa industriya ng pagsisibuyas na siyang magsisilbing salamin ng mga kabataan sa susunod na henerasyon upang magpaalala na ito ay mula sa pinagsama-samang sipag at tiyaga ng mga magsisibuyas ng kanilang bayan.

Ang Sibuyas Museum ay alay sa mga sinauna at kasalukuyang magsisibuyas na naghihirap upang maitaguyod ang kanilang pamilya.

Para naman kay Marlene Aguilar na naglagak ng kaniyang mga sariling aklat sa munting Museo, inihahandog niya ng libre ang kaniyang mga iniakdang aklat sa bawat pampublikong paaralan dahil sa kanyang pagmamahal sa Sining at Kultura ng bansa.

Mensahe ng mga kaibigan ni Giron mula sa Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining na ipagpatuloy ang mga adhikain at pagmamahal sa bayan ng Bongabon na tunay na maipagmamalaki hindi lamang sa buong bansa bagkus sa buong mundo.

Samantala, bago ang pagbubukas ng Museo ay pumarada ang sampung kalahok sa Float Parade Competition na nilahukan ng Bongabon Cooperatives, Bongabon LGU/Municipal Employee Cooperative, Bongabon Essential School, Mico’s Samgyeopsal, Gng. Bongabon, Bongabon Public Markte at New Rural Bank of San Leonardo.

Bubuksan sa publiko at eskwelahan ang Museo mula alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon. Para sa iba pang karagdagang impormasyon tumawag lamang sa 0917- 4141-649.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *