Konstruksyon ng Small Hydro Power Plant sa Gabaldon, sisimulan sa first quarter ng 2017

   Sisimulan na umano sa first quarter ng susunod na taong 2017 ang konstruksyon ng Small Hydro Power Plant sa Bayan ng Gabaldon.

   Inaaasahang magkakaroon ng trabaho ang limampu hanggang isang daang mamamayan ng bayan ng Gabaldon dahil anumang buwan sa first quarter ng susunod na taon ay sisimulan na ang konstruksyon ng Hydro Electric Power Plant sa ilalim ng American Company na Constellation Energy Corporation.

   Ayon kay Municipal Administrator Crusito Dela Cruz, malaki ang maitutulong ng naturang proyekto sa kanilang bayan, dahil bukod sa makapagbibigay ito ng trabaho partikular na sa mga indigenous people sa kanilang lugar ay maaari rin daw nitong mapaginhawa ang mga mamamayan sa pagbabayad ng kuryente.

   Sinisiguro naman umano ng Constellation Energy Corporation na magiging ligtas para sa bayan ng Gabaldon ang  Hydro Dam na magsisilbing pang-kontrol sa malaking bugso ng tubig baha sa panahon ng mga kalamidad.

   Sinabi ni Dela Cruz na nabigyan sila ng kapanatagan ng loob na maaaring mabawasan o humina ang tubig baha sa kanilang bayan sa pamamagitan ng naturang proyekto.

   Binawi din nito ang kanyang unang pahayag na itatayo ang Small Hydro Power Plant sa ilalim ng Built-Operate-Transfer kundi mananatili itong pag-aari ng korporasyon at magbibigay ng kaukulang bayarin sa Lokal na Pamahalaan.

   Plano din umanong makipagkasundo ng NIA UPRIIS, Division IV, Cabanatuan City sa Constellation Energy upang makipag-partner para sa naturang proyekto. –Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *