Kubrador ng STL, biktima ng hit and run; libreng naoperahan sa Socialized Program ng Pamahalaang Panlalawigan

Umaabot na umano sa sampong katao na walang kakayanang magpagamot ang natulungan ngayong taon ng San Antonio District hospital sa pamamagitan ng Socialized Program ng Pamahalaang Panlalawigan.

Ayon kay Dra. Adora Hernal Chief ng San Antonio  District Hospital, isa sa natulungan ng programa ay si tatay Narciso Palomo animnapu’t apat na taong gulang mula sa Barangay Papaya San Antonio , may asawa at tatlong anak, na biktima ng hit and run.

Nang libutin ng team ng balitang unang sigaw si tatay Narciso nadatnan namin ang pamilya nito na nasa isang maliit na kubo at walang kahit anong kagamitan maliban sa kanilang mga damit, napag-alaman naming ang kubong pansamantala nilang tinitirhan ay hindi nila pag-aari.                    

Kwento ni tatay Narciso, November 8 habang pauwi siya ng kanilang tahanan gamit  ng kanyang bisikleta ay nahagip siya ng sasakyan mula sa kanyang likuran at tsaka ito tinakbuhan ng nakabangga sa kanya.

Sa kabila ng natamong sugat ay ipinagsawalang bahala niya ito dahil sa kawalan ng pera para sa pagpapagamot, ngunit dahil sa patuloy na pagdurugo ng kanyang sugat  ay napilitan na silang pumunta sa San Antonio District Hospital upang ipatahi ang nawakwak nitong binti, bitbit ang pangamba sa dibdib kung saan kukuha ng ipambabayad sa gastusin sa ospital.

Nang matapos tahiin ang sugat ni tatay Narciso ay nagulat aniya siya nang malaman niyang wala silang babayaran ni kusing dahil sa tulong ng Socialized Program for indigent patients ng Pamahalaang Panlalawigan.

Hindi napigilan ni tatay Narciso ang pagdaloy ng kanyang mga luha habang nagpapasalamat sa gobernador dahil  libreng natahi ang kanyang sugat pati mga gamot ay libre na rin niyang nakuha.

Ayon kay tatay Narciso, ang tanging ikinabubuhay nila ay ang pagkokobrador nito sa STL at ang paglalabandera ng kaniyang asawa upang maisalba ang kanilang pagkain at pangbaon ng mga anak sa araw-araw.

Hiling niya kay Governor Umali na sana ay matulungan sila para sa pagpapagawa ng mas maayos na tirahan ng kaniyang pamilya dahil sa lupa na nilalatagan nila ng karton lamang sila natutulog.ulat ni Myrrh Guevarra

Watch – Kubrador ng STL, biktima ng hit and run; libreng naoperahan sa Socialized Program ng Pamahalaang Panlalawigan


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *