Lalaking nagkaroon ng kumplikasyon sa operasyon, tinulungan ni Governor Aurelio Umali

Ngiti at pasasalamat ang isinalubong ni Aljhon Domingo sa crew ng TV 48 ng amin syang bisitahin pagkatapos ng kanyang operasyon sa ELJMH noong May 19, 2020 matapos na maimpeksyon ang inilagay na bakal na implant sa kanyang binti.

 Si Aljohn ay tubong Talugtug, Nueva Ecija at nagta -trabaho sa isang lending company sa Isabela. Sa kwento ng binata, nagsimula ang lahat nang maaksidente siya noong August 5, 2019.

Sakay ng minamanehong motorsiklo pauwi siya galing Isabela nang sumalpok sa Crosswind na kanyang sinusundan. Napektuhan ng aksidente ang kanang hita ng binata dahil nabali ang buto nito kaya nilagyan ng bakal.

Imbes na tulungan umano siya ng may ari ng Crosswind sa gastusin sa ospital ay nabaligtad pa ang sitwasyon dahil sya pa ang pinagbabayad ng 80,000 pisong danyos.

Umabot sa mahigit isandaang libong piso ang naging gastos sa operasyon ni Aljohn na iniraos gamit ang sariling pera ng pamilya na ang kalahati ay sinagot ng kanyang kumpanya.

Buwan ng Pebrero taong kasalukuyan ay nagsimulang magnaknak ang inoperahang hita ng binata at nagpakita ng senyales ng kumplikasyon kaya kinailangang muling maoperahan.

 Dahil sa kakulangan ng pera para sa panibagong operasyon ay lumalala ang kanyang kalagayan kaya minarapat ng kanyang pinsan na humingi na ng tulong kay Governor Aurelio Umali sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe sa Nueva Ecija TV 48 facebook page noong May 11 at sa araw mismo na nabasa ni Governor Umali ang mensahe ay pina admit na si Aljhon sa ELJ.

Binigyan ng kwarto at gamot si Aljohn at inihanda para sa operasyon na sinagot lahat ni Gov Oyie ang gastusin sa ospital.

Masayang inihayag ni Doc Jhong Abeleda Jr. na matagumpay ang operasyon ngunit mananatili pa ng ilang araw si Aljhon sa ospital upang makumpleto ang antibiotics nito.

Bilang isang ina masakit para kay aling Gemma ang nangyaring aksidente sa kanyang anak na na ang nais lang ay magtrabaho upang makapag ipon ng pang paaral sa kanyang sarili.

Kaya naman lubos ang kanilang pasasalamat kay Governor Umali dahil sa maagap na pagtugon nito sa kanilang panawagang tulong medikal.

Balak ni Aljhon na kapag tuluyan nang maghilom ang kanyang sugat ay ipagpapatuloy nito ang trabaho at pag iipunan ang pang paaral niya upang matupad ang pangarap na maging isang sundalo o pulis.

Watch – Lalaking nagkaroon ng kumplikasyon sa operasyon, tinulungan ni Governor Aurelio Umali


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *