Land re-classification ng Dupinga, nakabinbin

Kasalukuyang nakabinbin sa ikalawang pagbasa sa Sangguniang Bayan ng Gabaldon ang land re-classification ng Dupinga na pagtatayuan ng 4.8 Mini Hydro Powerplant Project.

Sa phone patch interview kay Vice Mayor Jobby Emata ng Gabaldon, sinabi nito na pagkatapos ng filing of Certificate of Candidacy ay magsasagawa sila ng actual visitation sa project site ng Mini Hydro.

Bago ang naging sesyon para sa 2nd reading ay nagpatawag ng Public Consultation ang SB Gabaldon para hingin ang saloobin ng mga residente sa gagawing proyekto.

Inimbitahan ng Sangguniang Bayan sa konsultasyon ang mga mamamayan na maaapektuhan ng proyekto at ang kumpanyang Alternergy na siyang gagawa sa Mini Hydro.

Pangunahing pinangangambahan ng mga taga-Gabaldon ay ang kaligtasan ng lugar na pagtatayuan ng proyekto.

Kaya naman hiningi ng isa sa mga residente  ang mga dokumento mula sa MGB o Mines and Geosciences Bureau at  ng Department of Environment and Natural Resources  na magsasabing ligtas ang kabundukan dahil nasa naturang bayan ang Digdig Fault na isa sa mga aktibong fault line sa bansa.

Bagaman hindi ipinakita ni Annette Rafael, Vice President ng Alternergy Mini Hydro Holdings, ang mga kaukulang dokumento sinabi naman nito na handa siyang magbigay ng kopya na katunayang hindi sila nagkukulang sa mga pag-aaral, aprubado at may clearance galing sa MGB at DENR.

Tinuligsa naman ni Victor Dacumos, isa pang residente sa bayan ng Gabaldon, ang pahayag na ito ni Rafael nang ihalintulad niya ang nangyaring landslide kamakailan sa Naga City, Cebu.

Aniya ay kumpleto rin sa sertipikasyon ang Aqua Land and Quarry Corporation na siyang nag-ooperate sa nasabing lugar pero nagkaroon pa rin ng malawakang soil erosion.

Kinuwestyon din ni Reynaldo Alvarez, isang propesor ng Nueva Ecija University of Science and Technology – Gabaldon Campus, kung paano iaakyat ng kompanya ang kanilang mga equipment nang hindi magagalaw ang kabundukan.

Pag-amin naman ng Project Manager ng Alternergy na si Engr. William Refina, ubligadong tapyasin ang kabundukan para madala ang mga gamit sa bundok pero nangako siyang imi-minimize nila ang paggamit sa lupang makukuha nila para sa proyekto.

Nilinaw naman ng mga residente kung makakamura ba sila sa kuryente kapag naitayo ang mini hydro.

Sagot ni Liza Sabat, representante ng NEECO II – Area II Engineering Department, hindi nila kinukumpirma na makakamura sa kuryente pero ang suplay na manggagaling sa mini hydro aniya ay walang VAT o Value Added Tax at fixed rate ito.

Ayon naman kay Konsehal Adelino Manabat na nagsusulong sa proyekto, ang itatayong weir ng mini hydro ay magsisilbing sabo dam kung saan aniya ay makakatulong ito na pumigil  sa lupa sa bundok na maaaring gumuho.

Dagdag nito ay nagsagawa ng isang pag-aaral ang grupo nina Congw. Ria Vergara kasama ang PHIVOLCS, MGB at House of Representatives kasama ang Commission on the Environmental Protection and Awareness Program at ayon umano sa mga ahensyang ito ay kailangan ng sabo dam sa naturang bayan para maiwasan ang landslide.

Samantala, isiniwalat naman ni Provincial Officer Donato Bumacas ng NCIP o National Commission of Indigenous People sa naturang konsultasyon na mali ang ginawang pagbili ng Alternergy sa lupain na pagtatayuan ng mini hydro ng hindi nagpapaalam sa mga katutubo.

Ipinagbigay alam din nito na susuriin pa ng NCIP ang MOA na pinirmahan para sa proyekto dahil ang nakalagda lang sa kasunduan ay ang Constellation Energy Corporation kasama ang Dupinga Mini Hydro Corporation at wala ang Alternergy sa naturang MOA.

Sinang-ayunan naman ni Vice Mayor Emata ang paglilinaw tungkol sa MOA at sinabi nito na dapat baguhin ng Alternergy ang kasunduan at magkaroon ng panibagong konsultasyon sa mga katutubo para dito.

Paliwanag ng Vice President for Legal Affairs and Compliance ng Alternergy na si Toni de Guzman, stock holder lang sila ng Dupinga Mini Hydro Corporation na mismong may-ari ng proyekto at nakapirma sa kasunduan.

Sa huli ay sinabi ni Vice Mayor Emata na bilang pinuno ng sangguniang bayan ay nais niyang pagkatiwalaan at suportahan sila ng mga mamamayan ng Gabaldon dahil ang magiging desisyon nila ay kung ano ang nararapat para sa kanilang bayan. – Ulat ni Jessa Dizon

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *