Lasing na Security ng Pulitiko, Nag-amok at Ngapaputok ng Baril; Mag-utol Nagkainitan sa Inuman, Isa Sugatan

Pantabangan- Nag-amok umano at nagpaputok ng baril ang isang lasing na security ni Vice Mayor Ruben Huerta sa harapan ng bahay ni ABC Tracy Uera sa barangay East Poblacion, bayan ng Pantabangan.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, bandang alas otso bente ng gabi nang hamunin ng patayan ni alyas Jervie na diumano’y security personnel ni Vice Mayor Huerta ang dalawang security ni ABC Uera sabay bunot ng kwarenta’y singkong baril at nagpaputok ng apat na beses.

Narekober ng mga rumespondeng pulis ang tatlong basyo ng bala ng kwarenta’y singko, samantala hindi naman naabutan ang suspek.

San Antonio- Sugatan ang isang lalaki matapos barilin ng kanyang nakatatandang kapatid sa Sitio Kaingin, barangay Cama Juan, bayan ng San Antonio.

Kinilala ang biktimang si Guillermo Sarsagat y Pangilinan, trenta’y tres anyos, habang ang suspek ay ang kanyang kuya na si Reynante, trenta’y siete anyos.

Ayon sa ulat, dakong alas otso ng gabi, nagkainitan sa pagtatalo habang umiinom ng alak ang magkapatid.

Dahil sa galit ay bumunot ng hindi pa natutukoy na kalibre ng baril ang suspek at pinaputukan ang biktima na tinamaan sa kanyang tiyan. – Ulat ni Clariza de Guzman


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *