LIBO-LIBONG DEBOTO NI SAN JUAN BAUTISTA, NAGPAKITA NG MASIDHING PANANAMPALATAYA SA SELEBRASYON NG TAONG PUTIK FESTIVAL

Ipinakita ng libo-libong deboto ni San Juan Bautista ang kanilang matinding paniniwala sa milagrong hatid ng patron sa kanila, sa pamamagitan ng pagpapahid ng putik sa kanilang mukha at katawan, pagtataklob ng mga pinatuyong dahon ng saging at paglalakad mula sa kabukiran patungo sa St. John the Baptist Parish sa Barangay Bibiclat, kung saan nagsagawa ng misa.

Naniniwala ang mga deboto na sa pamamagitan ni Apo San Juan Bautista ay diringgin at tutuparin ng Panginoon ang kanilang mga kahilingan tulad ng mailayo sa anumang sakit o mapagaling sila sa kanilang mga karamdaman.

Maluha-luhang ibinahagi ni Reserved Army Clara Nicolas ang kanyang naging mga karanasan na muntik ng bumawi sa kanyang buhay, kaya ipinagakong ipagpapatuloy ang kanyang pamamanata hangga’t siya’y malakas.

Ganito rin halos ang kwento ni Mang Jr Vadis na hiniling din na muling makalakad matapos ang isang aksidenteng halos dumurog sa kanyang mga buto sa tuhod.

Sa misa ay makikita ang mga deboto na taimtim na nananalangin upang magpasalamat at patuloy na hingin ang paggabay at pag-iingat ng Panginoon sa kanila, at pagkatapos ay magtutulos ng kandila.

Mensahe ni Father Elmer Villamayor, Parish Priest ng naturang simbahan na ang pamamanata ay hindi lamang dapat natatapos sa iisang araw bagkus ay dapat na tuloy-tuloy ang pagdarasal at paggawa ng mabuti para sa kapwa na tulad ni Apo San Juan Bautista.

Matapos ang misa ay nagsagawa ng prusisyon ang mga deboto kung saan inilibot ng mga ito ang imahe ni San Juan Bautista sa naturang lugar.- Ulat ni Shane Tolentino

[youtube=http://youtu.be/UDVlXtKFIh0]


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *