Libreng fertilizer, ipinamahagi ng Pamahalaang Panlalawigan sa higit 900 magsasaka sa bayan ng Aliaga

Ipinamahagi sa siyam na raan at labing dalawang magsasaka sa bayan ng Aliaga ang libreng pataba bilang ayuda ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga naapektuhan ng bagyong ompong noong nakaraang taon.

Ayon kay Provincial Agriculturist Serafin Santos, ang mga ipinamahaging sako-sakong ammonium sulfate ay sa ilalim ng rehabilitation program ng Pamahalaang Panlalawigan na hinugot mula sa calamity fund ng Kapitolyo.

Sa tala ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA), halos limampu’t limang libong ektarya ang nasalanta ng ompong sa lalawigan.

Ngunit paliwanag ni Santos, hindi kayang maabot ng pondo ang lahat ng naapektuhang magsasaka kaya’t mas binigyan ng prayoridad sa ngayon ang mga maliliit na magsasaka na hindi lalagpas sa 1.5 ektarya ang bukirin.

Ang mga benepisyaryo ng naturang bayan ay bahagi ng mahigit tatlumpu’t isang libong magsasaka na mabibigyan ng ayuda sa mga susunod na araw.

Sa unang araw ng pamamahagi ay dumalo sina Doc Anthony Umali bilang kinatawan ni Gov. Czarina “Cherry” Umali at Former 1st District Board Member Eric Salazar.

Lubos naman ang pasasalamat ng mga tiga-aliaga at Mayor BM Moreno sa ayudang ipinaabot ng pamahalaan sa kanilang bayan.

Bukod sa Aliaga, nauna nang nabahagian ng pataba ng araw na yun ang isang daan at anim na pu’t anim na magsasaka ng bayan ng Zaragoza. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *