Libreng pa-milk tea ni Mayor Trina Andres, sinugod ng mga kabataang Rizaleño

Dinumog ng mga Kabataang Rizaleño ang apat na milk tea shops sa bayan ng Rizal upang i-avail ang libreng dalawang araw na pa-milk tea ni Rizal City Mayor Hanna Katrina Andres noong July 1 at 2, 2019.

Kuwento sa amin ni Mayor Trina Andres, nagsimula lang ito sa pag-tagged sa kaniya ng isang Netizen mula Rizal sa isang Facebook post na hinahamon ang Mayor ng Talavera na magpa-milk tea sa pagkakapanalo nito noong nakaraang halalan na tila ba inapply at hinamon rin si Mayora Andres upang magpa-milk tea rin sa kanilang bayan dahil patok at in na in ang milk tea sa mga kabataan ngayon.

Nang mabasa niya umano ito ay pinaunlakan nya kaagad ang hamon ng netizen bilang pasasalamat na rin sa mga kabataan na nagtiwala sa kaniya kasabay ng kaniyang unang araw na pag-upo sa pwesto bilang Punong Bayan.

Dagdag pa nito, napakasarap sa pakiramdam ang mapasalamatan mapapersonal at pribadong mensahe man.

Masayang masaya naman ang magpinsan na sina Debralyn Vigilia at Generose Rivera dahil natikman na nila ang biyayang handog ng Mayora para sa mga kabataan, na iyon lang anila ang kanilang sinadya sa bayan kahit masama ang panahon.

Nagpapasalamat naman si Maureen Gomez dahil paborito aniya nila ng kaniyang mga katropa ang milk tea kaya ng mabalitaan ay sinugod kaagad nila ang munisipyo upang makapag-avail ng paboritong milk tea.

Maalalang unang namahagi ng 800 stubs si Mayora sa mga kabataang Rizaleño na mahilig sa milk tea sa tapat ng Munisipyo noong June 28, 2019 na kung saan available sa apat na milk tea shops sa bayan ang Café-tea-ria, Creamcitea, Aali Vivi, at Xtremitea.

Nadagdagan pa ito ng dalawang daang stubs dahil tinangkilik ng mga kabataan ang pa-milk tea na siyang ikinatuwa naman ng dating Mayor na si Lito Andres.

Hanggang sa nadagdagan pa uli ng limang daan dahil dumagsa ang iba pang mga Rizaleño upang matikman ang handog ng Mayora.-Ulat ni GETZ RUFO ALVARAN


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *