Libreng repair ng computer, laptop at iba pang gadgets, handog ng isang computer programmer sa Tarlac City

Libreng repair ng mga sirang computers, laptop at iba pang gadget ang handog ng isang computer programmer ng Tarlac State University dito sa lalawigan ng Tarlac.

Ito ang tugon ng bente dos anyos na si Mark Anthony Perez ng Sitio Pagasa, barangay Tibagan, Tarlac City sa fund raising campaign na piso para pambili ng laptop ng mga mahihirap na estudyante sa mga social networking sites.

Naisipan ni Mark Anthony na tumulong dahil batid niya ang pinagdaraanan ng mga mag-aaral na kapos sa pinansyal na nahihirapang makasunod sa online classes na ipinatutupad ng Kagawaran ng Edukasyon at mga paaralan sanhi ng pandemyang COVID-19.

Kwento nya sa amin na galing din sya sa mahirap na pamilya, panganay sya sa kanilang anim na magkakapatid, at ipinagmamalaki nya na naka graduate sya ng kursong BSIT sanhi ng pagiging iskolar ng 4Ps program ng gobyerno.

Bata pa lamang ay nadiskubre na niya ang kanyang kakayahan, katunayan ang kanyang mga natanggap na panalo sa mga kumpetisyon, kung saan isa na ang nasungkit nyang first place sa PC assembly and networking noong sya ay High School student.

Sinimulan ni Mark Anthony ang libreng pagkukumpuni ng computer, laptop, tablets at iba pang gadgets ng mga mag-aaral noong August 27, 2020.

Umaabot na umano sa kasalukuyan sa tatlong daan ang humihiling ng kanyang serbisyo kaya naman kailangan na rin nya ng tulong.

Sa mga nais na sumuporta sa adbokasiya ay mangyaring bisitahin nyo lamang po ang kanyang Facebook Account na Mark Anthony Perez at ang kanyang YouTube Channel na Vlogs Kapanalig.

Pwede po kayong mag donate ng cash para may pang gas po sya ng motor sa meet ups at pambili ng parts ng mga kinukumpuni nyang sirang laptop at iba pang gadgets.- ulat ni Clariza de Guzman

https://www.youtube.com/watch?v=em6jHPurPKI&feature=youtu.be


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *