Libreng serbisyong medikal, ipinagkakaloob ng Guimba District Hospital sa pamamagitan ng socialized program

Mag-iisang linggo nang dinadaing ni Tatay Lamberto Antonio, pitumpong taong gulang, ng Brgy. Burgos, Cuyapo ang kanyang hika at pamamaga ng paa, kaya naman nang makahiram ang kanyang asawang si Nanay Eugenia ng pera ay nagtungo na agad ang mga ito sa Guimba District Hospital.

Naabutan ng Balitang Unang Sigaw ang pagdating ng mag-asawa sa ospital ng Guimba upang magpagamot, kung saan agaran silang inasikaso ng mga nurse at doktor doon.

Pina X-ray at Laboratory Test si Tatay Lamberto upang malaman ang dahilan ng kaniyang nararamdaman.

Umaabot sa P885 ang kanyang bayarin, ngunit dahil sa socialized program ng pamahalaang panlalawigan para sa mga indigent patients o mahihirap na mamamayan ay wala na silang babayaran.

Kaya naman, hindi napigilan ni Nanay Eugenia ang pagtulo ng kaniyang luha sa sobrang tuwa dahil ang tanging pinagkukuhanan nila ng ikinabubuhay ay ang maliit nilang tindahan sa palengke na sapat lang sa araw-araw nilang gastusin.

Labis ang pasasalamat ng mag-asawa kay Governor Aurelio Umali dahil sa socialized program ay libre na ang pagpapagamot, laboratory test at pagpapakonsulta sa doktor ng mga mahihirap na pasyente katulad nila.

Ayon kay Romeo Ticulo Jr. Administrative Officer ng Guimba District Hospital, ang lahat ng pasyente ay maaring sumailalim sa socialized program kung mapapatunayan sa assessment ng social worker na hindi nito kayang magbayad sa pagpapagamot.

Kung susumahin nga raw ay nasa tatlo hanggang limang katao ang nabebenepisyuhan ng naturang programa kada araw o umaabot sa mahigit isang libo o kulang dalawang libong katao kada taon.

Makaka- avail ng socialized program ang may sakit kung kabilang siya sa Outpatient Department (OPD) maging ang pasyenteng may kasalukuyang bill na kinakailangang ilipat o i-refer sa ibang ospital.

Sasagutin naman ng Philhealth ang gastos ng pasyente na kinakailangang mai-confine.

Kung hindi pa miyembro ng Philhealth ay awtomatikong gagawin itong miyembro sa ilalim ng programang “Kalusugang Pangkalahatan”.

Kapag sumobra ang bill sa saklaw na halaga ng Philhealth ay pwede itong ipasok sa socialized program upang wala nang bayaran o maging zero billing ang pasyente.

Para sa ibang detalye kaugnay ng socialized program ng pamahalaang panlalawigan at sa mga may katanungan ay maari kayong kumontak sa Guimba District hospital sa numerong 09169740535. –Ulat nina Belle Ramirez/ Danira Gabriel

Watch – Libreng serbisyong medikal, ipinagkakaloob ng Guimba District Hospital sa pamamagitan ng socialized program


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *