Libreng tirahan, pagkain ng frontliners, tinugunan ng Nueva Ecija Intet-Agency Task Force

May libreng pagkain at maayos nang matitirhan ang mga frontliners na mga nurses, nursing attendant, security guards ng PJG Hospital na sagot ng pamahalaang panlalawigan.

April 16, 2020 sa programang Usapang Malasakit sa Lipunan ipinarating kay Governor Aurelio Umali ang post sa Facebook ng isang nurse kung saan makikita ang mga kasamahan nitong nurses at nursing attendants na natutulog sa labas ng Ms Tee Motel sa Cabanatuan City dahil walang aircon at sobrang init ng kanilang kwarto doon.

Kaagad pinaimbestigahan ni Gov. Oyie ang insidente at personal din syang nagtanong sa nurse gamit ang kanyang personal account sa Facebook kaya napag-alaman niyang ang mga ito ay mga frontliners ng PJG na katatapos lamang magduty at kailangan ng magpahinga at magquarantine bilang pagsunod sa protocol ng DOH.

Kinabukasan ay kaagad pinapuntahan ng gobernador kay Nueva Ecija Inter-Agency Task Force spokesperson Father Arnold Abelardo ang mga ito upang bigyan ng counseling at dasal upang maipadama sa kanilang hindi sila nag-iisa sa laban kontra COVID-19.

Nang araw ding iyon ay inilipat na sila sa mas maayos na Hotel sa Cabanatuan City, may sariling kwarto ang bawat isa sa kanila at may libreng pagkain na sagot ng provincial government, kaya labis ang kanilang pasasalamat sa malasakit at agarang pagtugon ni Governor Oyie sa kanilang sitwasyon.

Binigyan din ni Gov. Oyie ng hiwalay na matutuluyan sa Village Inn Hotel sa Cabanatuan City ang mga displaced health workers na active on duty ng PJG Hospital upang may mauwian sila pagkatapos ng kanilang duty at pinagkalooban din sila ng malasa “kits” (hygiene kits) at libre rin ang kanilang mga pagkain.

Ayon kay Provincial Tourism Officer Atty. Jomar San Pedro, Vicenticos ang nagdeliver ng agahan ng mga frontliners ng dalawang araw habang sa unang gabi ay nagdonate naman ng hapunan ang Rotary of Cabanatuan North, sa kasalukuyan ay naroon na aniya ang cook ng Village Inn Hotel na siyang nagluluto ng kanilang pagkain mula umaga hanggang gabi.

Sa panayam naman ng Balitang Unang Sigaw kay Rosemarie Cabuhat, nurse sa PJG Hospital ay sinabi nitong malaking bagay na nabigyan sila ng pansamantalang matutuluyan ni Gov. Oyie dahil madalas silang nakararanas na pandirihan ng mga kapitbahay sa tuwing uuwi sila ng kanilang tahanan.

May pangamba din aniya sa kanyang puso sa tuwing uuwi ng bahay na baka may hindi magandang gawin sa kaniya ang kanilang mga kapitbahay dahil sa takot at pag-aakalang infected na siya ng virus.—Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *