Libreng training para sa mga nais magbukas ng food business sa Bayan ng Nampicuan, ipinagkaloob ng DOT

Dalawang araw na libreng Community-Based Tourism Kulinarya Workshop sa ilalim ng Tourism Industry Skills Program ng Department of Tourism (DOT) Region III ang ipinagkaloob sa mga kababaihang nais magbukas ng food business upang maging katuwang sa pagpapa-unlad ng turismo sa Bayan ng Nampicuan.

Ayon kay Nelson Gonzales, Tourism Officer ng naturang bayan, malaki ang kanilang pasasalamat sa agarang pagtugon ng DOT sa kahilingan nila sa pagsasagawa ng training upang mabigyan ng pagkakataong matuto sa pagnenegosyo ang kanilang mga kababayan.

Aniya, handa ang kanilang Lokal na Pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Victor Badar na magbigay ng puhunan sa kanilang mga kababayan na interesadong magkanegosyo.

Dagdag nito, ang Tourism Center na sinimulang ipatayo noong January 12, 2019, ng Provincial Government sa ilalim pa ng pamumuno ni Governor Czarina “Cherry” Umali, na pinondohan ng halos sampong milyong piso, ang papaokupahan sa mga ito. Ang gusali ay tinatayang matatapos na sa August 9, 2019.

Sinabi pa ni Gonzales, isang malaking oportunidad para sa kanyang mga kababayan ang magkaroon ng sariling negosyo malapit sa mismong dinarayong simbahan sa kanila ang Holy Face of Jesus.

Sa panayam naman kay Chef Ram Villaluna, Culinary Tourism Officer ng DOT, sinabi nitong layunin ng kanilang programa ang maipromote ang mga pagkaing pinoy at mabigyan ng livelihood ang iba’t ibang organisasyon o grupo ng mga kababaihan sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Malaki aniya ang kontribusyon ng pagkain sa pagbibigay ng magandang karanasan sa mga turista na siyang magiging daan upang balik-balikan ang isang lugar.

Nagpasalamat naman si Mayor Badar sa DOT dahil sa pag-agapay aniya nito sa mga maliliit na bayan tulad ng Nampicuan para matulungang magkaroon ng karagdagang kita ang kanyang mga nasasakupan.

Malaki din ang kanyang pasasalamat kina Governor Cherry at Gov. Aurelio Umali dahil sa suporta at tulong ng mga ito para sa patuloy na pag-angat at pag-unlad ng kanilang bayan.

Samantala, sina Febe Duran at Edessie Tudenio na kapwa mga OFW ang ilan sa mga dumalo sa libreng training, na nu’ng mabalitaan umano ang tungkol dito ay agad silang tumugon dahil sa kagustuhan na manatili na lang sa Pilipinas at hindi na bumalik pa sa ibang bansa para kumita ng pera.— Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *