Mabilis na proseso ng pamimili ng palay ng kapitolyo, ikinagalak ng magsasaka sa Bayan ng Zaragoza

Ikinatuwa ni Augusto Almayda na taga San Vicente, Zaragoza, apat napu’t tatlong taong gulang, ang mabilis na proseso ng pagbili ng kapitolyo sa kanyang mga kaaaning palay noong Biyernes, March 6, dahil direkta ng nabili ang mga inani nito at hindi na niya kinailangang dumaan sa mga ahente.

Ikinagalak ng 43-taong gulang na si Augusto Almayda ng Bayan ng Zaragoza ang mabilis na proseso ng pagbili ng kapitolyo sa kanyang inaning palay.

Kwento ni Almayda, nagkaroon ng pagpupulong sa kanilang barangay ang mga tauhan ng Provincial Food Council upang mag-validate ng mga magsasakang may tatlong ektarya pababa na binubukid upang maging benepisyaryo ng programa ng provincial government.

Kaya naman nang makapasa ito sa validation at sinabi nitong aani na siya kinabukasan ay kaagad itong napabilang sa listahan ng bibilhan ng palay ng PFC.

Sa tatlong ektaryang bukirin ni Almayda ay umani ito ng tatlong daan at limampung kaban ng palay, isang daan at dalawampung kaban dito ang kanyang ibinenta.

Sa kabila ng mataas na moisture content ng kanyang palay na nasa 23.5 percent na dapat ay nasa P16.00 per kilo lamang ang presyo ay binili ito sa halagang P16.50 per kilo ng PFC.

Kung ikukumpara aniya noong nakaraang dayatan ay nasa P16.00 kada kilo ang naging bentahan ng kanyang palay at bumagsak ito noong main crop sa P11.00 na sobra niyang ikinalungkot, kaya naman ngayon ay labis nitong ikinatuwa ang pagbili ng pamahalaang panlalawigan sa kanyang palay sa makatwirang presyo.

Ikinagalak din nito ang maayos at mabilis na bayaran sa kanyang mga ibinentang palay na nakuha nito sa Treasurer’s Office ng kanilang Munisipyo.

Sinabi din ni Almayda na ang bukid na sinasaka niya na nasa Barangay Sta. Lucia Old, Zaragoza ay pagmamay-ari pa ng kanyang ama, ngunit siya na ang nagpatuloy sa pagbubukid at ang kinita nito ay ipambabayad niya sa utang at ang matitira ay panggastos ng kanilang pamilya habang hinihintay ang muling panahon ng taniman sa Mayo.

Malaki ang kanyang naging pasasalamat kay Governor Aurelio Umali dahil sa tulong at pag-agapay nito sa mga kagaya niyang magsasaka, hiling nito na sana’y magpatuloy ang programa upang mas marami pa ang matulungan at sana’y mapahiram din siya ng puhunan.— Ulat ni Jovelyn Astrero

Watch – Mabilis na proseso ng pamimili ng palay ng kapitolyo, ikinagalak ng magsasaka sa Bayan ng Zaragoza


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *