Madalas na reklasipikasyon ng mga lupa sa Cabanatuan City, pinuna ni VM Umali

Sa Ika-Labing Pitong Regular Session ng Sanggunian Panlungsod (SP) ng Cabanatuan ay pinuna ni Vice Mayor Anthony Umali ang madalas na pag-apruba ng ordinansa ng SP ukol sa reklasipikasyon ng mga lupa sa siyudad.

Isa na nga rito ang inihaing panukala na gawing residensyal ang mahigit 12 ektaryang agrikulturang lupain sa Brgy Valle Cruz.

Ayon sa Bise Alkalde, bago aprubahan ang isang ordinansa ukol sa reklasipikasyon ng lupa ay kinakailangan na mayroong katibayan mula sa Department of Agriculture o DA na hindi na napapakinabangan ang naturang lupa sa mga gawaing pang-agrikultura base sa isinasaad ng Local Government Code Memorandum Circular No. 54 Section 1-B-1.

Ngunit, base sa lumitaw na pag-aaral ng DA ang naturang lupain ay maaari pang gamitin bilang sakahan.

Paliwanag ni Kon. Prudencio Garcia, Chairman ng Committee on Housing Land Utilization and Environmental Protection, bagamat sakahan ang naturang lupain ay nakikita umano ng Sanggunian na mas mapapakinabangan ito bilang residensyal sa ilalim naman ng Local Government Code Memorandum Circular No. 54 Section 1-B-2.

Pahayag naman ni VM Umali, kung sakali mang nakikita ng Sanggunian na mas mapapakinabangan ang naturang lupa sa residensyal na aspeto ay dapat ipaalam ito sa DA, HLRB, Department of Trade and Industry, DOT at iba pang ahensiya, base pa rin sa isinasaad ng Local Government Code, bagay na hindi pa naisasagawa ng komite.

Kaya nag-alangan sa kaniyang mosyon ang Chairman ng komite.

Ngunit, matapos ang ilang minutong pag-uusap ay itinuloy pa rin ni Kon. Garcia ang kaniyang mosyon na aprubahan ang nasabing panukala.

Hindi ito sinang-ayunan ng Pangalawang Punong Lungsod kaya siya ay nagpahiwatig ng “reservation”.

Sa ilalim kasi ng umiiral na batas, ay hanggang 10% lamang ng kabuuang agricultural land ng isang component cities at first and third class municipalities ang pinahihintulutan na i-reclassify.

Samantala, kamakailan lamang, ay inaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang pag-amyenda sa House Bill 7115 o “Comprehensive Agrarian Reform Law of 1988” na naglalayon na ipagbawal na gamitin ang mga lupang sakahan sa iba pang bagay tulad halimbawa ng gawin itong subdivision o tayuan ng mga gusali o negosyo upang tugunan ang peligro sa kakulangan ng pagkain.-Ulat ni Danira Gabriel

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *