Mag-ama, naaksidente sa truck, humihingi ng tulong pinansyal

Hindi sukat akalain ni Mario Dizon Jr. na mauuwi sa trahedya ang pangarap nyang mailibot sa Sabang beach sa Baler ang mga anak.

June 22, 2019 nang mawalan ng preno ang closed van truck na minamaneho ni Mario sakay ang kanyang pahinante at tatlong anak habang binabagtas ang kalsada sa Maria, Baler Aurora.

Kwento ni Mario, mas pinili na lamang niyang ibinangga na ang sasakyan sa puno para maiwasang mahulog sila sa bangin.

Wasak ang harapan ng truck sanhi ng malubhang sugat na tinamo ni Mario sa kanyang likod at binti.

Mapalad namang nagasgasan lang ang kanyang pangalawang anak at bunso na nakaupo sa kanyang likuran.

Ngunit pinaka matindi ang sinapit ng kanyang panganay na si Cheska, labing-apat na taong gulang, nagkaroon ng blood clot o namuo ang dugo nito sa utak dahil sa lakas ng impact.

Halos isang buwang comatose si Cheska sa ospital. Tatlong operasyon na rin ang pinag-daanan nito kung saan kinailangang tanggalin ang kanyang bungo para tanggalin ang namuong dugo sa utak nito.

Nilagyan ng turnilyo ang bungo nito ng ibalik sa kanyang ulo at tila ini-stapler naman ang anit nito para magdikit.

Umaabot umano sa walong daang libong piso ang nagastos sa pagpapagamot ng mag-aama na nanggaling sa iniabot na tulong ng kanilang mga kapamilya, kaibigan, kabaranggay, kapwa driver, mga ka-batch noong high school ni Mario, mga kaeskwela ni Cheska sa Lazaro Francisco Elementary School at maging mga namumuno sa lokal na pamahalaan katulad ni Governor Aurelio Umali.

Makaraan ang anim na buwan, nagpapagaling pa rin si Mario kaya hindi pa ito muling makapagtrabaho. Baon na rin aniya sa loan ang kanyang asawa na siya nalang naghahanap-buhay sa kasalukuyan para maitaguyod ang pangangailangan nila sa araw-araw.

Sa kabila ng pinagdaraanan ay nananatiling masiyahin si Cheska. Gusto na nitong bumalik sa eskwelahan  ngunit muling nanariwa ang sugat nito sa ulo kaya hindi niya maipagpatuloy ang pag-aaral sa Grade 8.

Bago magpasko ay na-confine na muli sa ospital si Cheska, hanggang sa kasalukuyan ay inoobserbahan ng mga manggagamot sa Nueva Ecija Doctor’s Hospital ang kanyang kalagayan.

Kaya naman kumakatok sa ating mga puso ang mag-amang Mario at Cheska, sa mga nais na magbigay ng inyong tulong pinansyal ay direkta nyo po itong i-deposito sa account ni Jenilyn B. Dizon sa asawa po ni Mario, nanay ni Cheska sa Metrobank.- ulat ni Clariza de Guzman


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *