Magkaibang datos ng DOH tracker at NE Inter-Agency Task Force COVID-19, ipinaliwanag

Ipinaliwanag ng Nueva Ecija Inter-Agency Task Force sa special broadcast ng Usapang Malasakit sa Lipunan ni Govenor Aurelio Umali, kanina, April 16, 2020 kung bakit magkaiba ang naitalang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lalawigan kumpara sa bilang ng DOH tracker.

Sa datos ng IATF na mula sa DOH-NE ay 41 ang kabuuang bilang ng nagpositibong mga Novo Ecijano habang ang nakalagay sa DOH tracker ay nasa 45 na ang mga taga Nueva Ecija na tinamaan ng sakit.

Paglilinaw ni NEIATF spokesperson Father Arnold Abelardo, may mga kababayan kasi tayong nagtatrabaho sa ibang lugar katulad ng Maynila na maaaring nahawa doon ng sakit, doon nagpakonsulta, nagpatest at nagpositibo sa COVID-19.

Bagaman doon sila naninirahan ay maaaring ang ginagamit pa rin nilang address ay Nueva Ecija.

Sinabi ni Father Abelardo na ang iniulat na 41 positive case ng NEIATF ay mga Novo Ecijanong nahawa o nagkasakit sa probinsya.

Ang mga residente ng lalawigan na nahawa naman sa ibang probinsya o siyudad ay mapapabilang na sa datos ng nasyunal na DOH at hindi na ng lokal na Task Force.

Siniguro naman ng NEIATF na hindi nila itatago sa publiko ang tunay na bilang ng mga nagpositibo sa sakit at agad itong ipagbibigay alam sa mga kamag-anak at komunidad upang makapag-ingat ang mga ito.- Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *