Magnanakaw ng cellphone sa Gabaldon, arestado; Pot session sa Quezon huli sa akto, dalawa naaresto

Arestado ang isang magnanakaw ng cellphone, habang nakatakas naman ang kasabwat nito sa barangay Sawmill bayan ng Gabaldon.

Kinilala ang nahuling suspek na si Alfredo Ramos y Valentin, trenta’y dos anyos, binata, at residente ng Macasandal ng naturang bayan, samantala nakatakas naman ang isa pa na nakilala lang bilang si alyas “Mayo”.

Ang mga biktimang nanakawan ng mga cellphone at cash na pera ay sina Albert Domingo y Daco, kwarenta’y syete, binata; Clifford Caymo y de Leon, trenta’y dos anyos, may asawa; at Mary Jo Pontigon, trenta’y uno, lahat ay naninirahan sa barangay South Poblacion, Gabaldon.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, alas sais ng umaga noong September 9, 2018, nagawang pasukin ni Ramos at Mayo ang bahay sa loob  ng resort na pag-aari ni Oscar Pontigon sa pamamagitan ng pagdaan sa bintana.

Bandang alas otso ng umaga nang magtungo ang si Albert Domingo na isa sa mga biktima sa checkpoint sa barangay Sawmill at iniulat sa mga otoridad ang insidente.  Kaagad namang rumesponde ang mga pulis na nagresulta sa pagkaaresto ni Alfredo, habang si alyas Mayo ay nagawang makatakbo sa kabundukan ng Sierra Madre.

Umabot sa Php42, 000.00 ang halaga ng mga nakulimbat ng mga magnanakaw na isang iPhone 4 na nagkakahalaga ng Php2, 000.00, isang Samsung J2 Prime worth Php2,000.00, isang Oppo F1 na halagang Php9, 000.00, isang Samsung S7 na nagkakahalaga ng Php20, 000.00 at isang Huawei Nova 2 Light worth Php9, 000.00 at cash na Php750.00.

Samantala, huli sa akto ng pot session ang dalawang binata sa Purok Uno, Barangay Uno, Bayan ng Quezon.

Kinasuhan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Act of 2002 ang mga suspek na sina John Paul Maximo y Gomez, 22 years old, at Christian dela Cruz y Dagdagan, bente uno anyos na parehong residente ng nasabing lugar kung saan sila nadakip.

Ayon sa report ng Quezon Police Station, isang impormante ang nagbigay ng tip na may nagaganap na pot session sa bahay ni John Paul Maximo.

Dakong alas kwatro bente ng hapon noong September 9, 2018 nang maabutan ng mga otoridad ang dalawa na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot na “Shabu”.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang dalawang nakabukas na transparent plastic sachet na may residue ng hinihinalang shabu, walong piraso ng nalukot na aluminum foil, tatlong disposable lighter na ang isa ay ginawang improvised tooter.

Minarkahan ang mga ebidensya sa harap ni Kagawad Alvin Dagdagan, Hepe ng Tanod na si Eduardo Dagdagan at media na si Crispin Yambot.

Paalala po sa ating mga kaibigan, lagi po tayong maging alerto at mag-ingat dahil ang krimen ay nangyayari kahit saan, kahit kailan. Ako po ang inyong Bantay Krimen, Clariza de Guzman.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *