Magsasaka sa Nueva Ecija, muling kinilala bilang Top Rice Producer sa bansa

Muling kinilala ang kabayanihan ng mga magsasakang Novo Ecijano bilang Top Rice Producer sa bansa.

Masayang tinanggap ng ina ng lalawigan, Governor Czarina “Cherry” Umali ang nasabing parangal kasama ang hepe ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultura na si Cerafin Santos sa ginanap na 2017 Rice Achievers Awards Ceremony sa Philippine International Convention Center.

Ayon kay Santos, isa ang Nueva Ecija sa mga nakakuha ng pinakamataas na ani ng palay na umabot ng halos 2 million.

Dagdag pa niya, taong 2012, 2013, 2014, 2016 at 2017 nang makilala ang probinsiya pagdating sa larangan ng pag-aagrikultura.

Apat na taon mula sa termino ng dating Gobernador Atty. Oyie Umali at isang taong para sa kanyang termino.

Binigyang linaw din ni Santos na sa taong 2015 lamang hindi nakatanggap ng parangal bilang Top Rice Producer ang lalawigan dahil sa mga nagdaang kalamidad kung saan nasalanta ang mga pananim ng mga magsasaka.

Sa eksklusibong panayam kay Governor Umali, malaki rin aniya ang naging counterpart ng kapitolyo dahil sa ginawang Talavera Bypass Road kung saan malaki ang naitulong nito sa mga magsasaka.

Idagdag pa ang mga ayudang ibinibigay ng pamahalaang panlalawigan tulad ng pamamahagi ng mga binhi, pataba, makinarya,at  pagpapautang sa mga ito sa  mababang interes.

Balak ngayon ng kanilang tanggapan sa direktiba na rin ng gobernador na magtayo ng mga solar powered irrigation system upang mas lalong palakasin ang sektor ng pagsasaka.- Ulat ni Shane Tolentino


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *