Malasakit ng mga Novo Ecijano, pinasalamatan ng mga biktima ng Bulkang Taal

Sa mensahe ni Mayor Mary Angeline Halili ng Tanauan City, Batangas pinasalamatan nito ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pamumuno ni Governor Aurelio Umali na naghatid ng tulong sa kanyang nasasakupan.

Damang-dama aniya niya ang malasakit ng mga kababayan dahil siya ay may dugong Novo Ecijano sapagkat tubong bayan ng San Antonio ang kanyang ama.

Umaabot sa 133 pamilyang bakwit ang nakatuloy sa gymnasiuam ng Sto. Tomas Batangas na nagmula sa dalawang barangay ng Tanauan at walong barangay ng Talisay.

Isa na rito ang pamilya ni Marites Otep. Damit na suot lang aniya ang tanging naisalba nila nang lumikas sya at kanyang pamilya sa Barangay Aya, Talisay nang umulan ng abo at putik. 

Kaya naman malaking bagay para sa kanila ang bigas at damit na donasyon ng mga taga Nueva Ecija.

Nasalanta naman ng pag ulan ng abo at putik at lindol sa Barangay Quilin, Talisay ang tahanan nina Carolina Dimapili noong January 13, 2020 na kasama sa dalawampo’t limang pamilyang bakwit sa gymnasium ng Barangay Bitin, Bay, Laguna

Tubong Quezon, Nueva Ecija si Carolina   na nakapangasawa ng isang Batangenyo. 

Dahil sa pagbubuga ng abo ng Bulkang Taal ay naapektuhan ang ikinabubuhay nilang pangingisda at pagtatanim.

Matinding tinamaan ng pagbagsak ng abo at putik  ang mga barangay ng San Sebastian at Calawit sa isla ng Taal volcano kaya naman nananatili ang tatlong daang pamilyang bakwit sa gymnasium ng bayan ng Balete.

Kaya naman malaki ang pasasalamat nina Senator Ralph Recto at Mayor Wilson Maralit sa Nueva Ecija dahil sa pagbibigay ng bigas na pinaka kailangan ng kanilang mga kababayan.

Matindi man ang dagok na pinagdadaanan ng mga Batangeño ay naniniwala pa rin si Senator Recto na kayang lagpasan ng kanilang mga kababayan ang pagsubok na pinagdaraanan lalo na at may mga tumutulong na katulad aniya ni Gov Oyie na kwento nya ay may dugo ring Batanggenyo.

Para kay Governor Hermigildo Mandanas, pampalakas ng loob ng mga Batangueno ang bigas na kaloob ng mga Novo Ecijano upang sila ay makabangon na muli, habang simbolo naman ng pagkakaisa ng lalawigan ng Batangas at Nueva Ecija ang inihatid na tulong ni Governor Umali. – Ulat ni Amber Salazar


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *