Malasakit Rice, malinis na tubig, handog ng Nueva Ecija sa mga biktima ng Bulkang Taal

Mula pa noong Martes, January 14, 2020 naghahanda na ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa direktiba ni Governor Aurelio Umali upang magbigay ng tulong sa mga biktima ng pagsabog ng Bulkang Taal.

Pangunahin sa ipapamahagi ang mahigit dalawang libong Malasakit Rice na may timbang na 25 kilos bawat sako na produkto ng mga Novo Ecijano na galing sa mga nabiling palay ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Nueva Ecija Provincial Food Council.

Sa kabila umano ng krisis na pinagdaraanan din ng ating lalawigan partikular ng mga magsasaka dahil sa bagsak na presyo ng palay ay hindi ito magiging hadlang para makapagbigay din tayo ng tulong sa mga kababayan natin sa Batangas.

Malalim ang ugat ng pagdadamayan ng mga Novo Ecijano at mga BatangueƱo sapagkat simula pa lamang ay magkasama na ang dalawang lalawigan sa walong silahis ng araw sa ating bandila simbolo ng magkatuwang na paglaban para sa kalayaan sa pananakop ng mga Kastila.

Bukod sa bigas, inaayos na rin ng ng mga tauhan ng Provincial Disaster and Risk Reduction Management Office ang water treatment plant mobile unit na iginawad ng Spanish Agency for International Development Cooperation (AECID) sa Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pamumuno ni Governor Umali bilang pagkilala sa husay ng pamamahala sa panahon ng kalamidad noong taong 2009 nang tamaan ang lalawigan ng bagyong Pepeng.

Paliwanag ni PDRRMO Chief Michael Calma, imbes na bottled water ang ipamimigay sa mga evacuees ay hahanap ng lugar ang mga tauhan ng PDRRMO sa Batangas kung saan gagamitin treatment plant mobile unit upang linisin ang tubig para mainom.

Nananawagan din ang Provincial Human Resource and Management Office at Provincial Social Welfare and Development Office sa mga empleyado ng kapitolyo na mag-donate ng mga damit na ipamamahagi sa mga biktima ng Bulkang Taal.- ulat ni Clariza de Guzman

Watch – Malasakit Rice, malinis na tubig, handog ng Nueva Ecija sa mga biktima ng Bulkang Taal

https://youtu.be/N7trweyVdY4


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *