Manacsac High School, wagi sa Ragragsak Ti Guimba ‘Kulturang Pagtatangahal 2019’

Labis ang kaligayahan ng mga mag-aaral ng Manacsac High School  nang tanghaling kampeon  ang kanilang grupo sa ginanap na Kulturang Pagtatanghal sa Guimba Town Plaza bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-154th  Founding Anniversary at ika –labingwalong taon ng Ragragsak Ti Guimba Festival.

Pinainit ng grupo ang buong dance floor nang ihataw ang mga kakaibang steps at stunts suot ang kanilang makukulay na costume dahilan upang maiuwi ang cash prize na P60, 000.

Napabilib din ang mga hurado ng mga mananayaw mula sa Triala National Highschool dahil sa sabay-sabay nitong routine dahilan upang tanghaling 1st runner-up at makapaguwi ng cash prize na P40,000.

Ayon kay Rhea Leyva Santos, Head Organizer ng naturang pagtatanghal, ang tema ngayon ay hinango mula sa kasaysayan ng Guimba.

Dagdag pa nito, ang kultura aniya ang sumasalamin kung ano ang pagkakakilanlan ng isang Bayan.

Layunin din nito na malinang ang mga galing at talento ng mga Guimbanians sa larangan ng sining at madevelop ang sportsmanship.

Para naman kay Atty. Jose Maria Ceasar San Pedro, Chief of Provincial Tourism at pangunahing hurado, mahalaga na may ganitong pagtatanghal upang hindi makalimutan ng mga mag-aaral ang kanilang kulturang kinagisnan.

Malaking tulong din aniya sa turismo sa lalawigan ang kulturang pagtatanghal upang lalo pang makaakit ng mga turista na gustong bumisita sa lalawigan.

Kabilang din sa mga kalahok na nag-uwi ng consolation prize na tig-P20,000 ang Bartolome Sanggalang National High School,  First Magcor, OLSHCO, CRT Guimba Senior High School, Galvan National High School, Pacac High School, Nagpandayan National High School at  San Andres National High School.

Ang Ragragsak Ti Guimba ay tinaguriang longest running Festival sa Nueva Ecija dahil ito ay labing walong taon ng ipinagdiriwang sa kanilang bayan.

Nagsimula ang pagdiriwang ngayong taon noong February 21, 2019 at magtatapos sa March 3, 2019 sa araw ng linggo.-Ulat ni GETZ RUFO ALVARAN.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *