MAR ROXAS, NAGPASALAMAT SA PATULOY NA PAGTAAS NG KANIYANG RATINGS

Malaki ang naging pasasalamat ni dating Interior Sec. Mar Roxas sa tiwalang ipinagkakaloob sa kanya ng mamamayang Pilipino, at sa paniniwala sa tuwid na daan na nasimulan na ni Pangulong Benigno Aquino III.

Bunsod ito ng patuloy na pag-akyat ng kaniyang rating para sa presidential survey kung saan malaki na ang itinaas nito kumpara sa mga naunang presidential survey.

Ayon sa dating kalihim, bagaman nagpapasalamat siya sa pagtaas ng kanyang ratings ay mas mahalaga pa rin ang magaganap sa Mayo 2016, kung saan buong bansa na ang huhusga kung sino ang karapat dapat iluklok sa Malacañang.

Base sa National Survey na ginawa ng SWS o Social Weather Stations magmula September 2 -5, 2015, dikit na ang laban nina Senator Grace Poe, Jejomar Binay at Mar Roxas para sa pagkapangulo.

Samantala nauna rito, hindi pa man malinaw kung sino ang makakasama ni Roxas sa 2016 elections ay umuugong na ang pangalan ni Camarines Sur 3RD District Congresswoman Leni Robredo bilang kaniyang bise presidente.

Hindi man diretsang sinagot ni Roxas na si Robredo na nga ang kaniyang magiging katandem sa 2016, inamin naman nito na mayroon ng pag-uusap sa pagitan ng huli at ng Liberal Party.-Ulat ni MARY JOY PEREZ


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *