Masiglang Kalalakihan Laban sa Karahasan, inilunsad sa Nueva Ecija

Sa labing apat na bansa sa buong mundo ay nasa top 12 umano ang Pilipinas sa may pinakamataas na kaso ng karahasan sa mga kababaihan, ayon kay Gender and Development o GAD Trainor at Broadcast Journalist Sonia Capio.

Sinabi ni Capio na sa dami ng pondong inilalaan ng bawat ahensya sa GAD programs ay marami pa ring mga kababaihan ang dumaranas ng iba’t ibang pang-aabuso na kadalasan ay gawa pa ng sariling asawa o kapamilya.

Sa ilalim ng General Appropriation Act naglalaan ng limang porsyento ng kabuuang pondo ang bawat ahensya ng gobyerno at mga institusyon para sa GAD programs.

Bilang partisipasyon ng Lalawigan ng Nueva Ecija sa 16 days of Global Activism Against Gender-Based Violence na ipinagdiriwang sa buong daigdig at 18 days of National Campaign to end Violence Against Women sa Pilipinas sa pangunguna ng Philippine Commission on Women ay inilunsad ang MALAKAS o Masiglang Kalalakihan laban sa Karahasan.

Ani Capio, layunin ng MALAKAS na ma-organisa ang bawat matitinong mga kalalakihan sa probinsya na ayaw sa karahasan at may mataas na pagpapahalaga sa karapatang pantao upang mabigyan ng tamang kamalayan patungkol sa iba’t ibang pang-aabuso sa mga kababaihan.

Dagdag nito, plano din nilang idulog sa Sangguniang Panlalawigan upang magawan ng ordinansa at maging ganap na batas ang pagkakaroon ng Gender Sensitivity Trainings upang maipaunawa sa mga kalalakihan na ang karahasan ay hindi lamang isyu ng mga kababaihan kundi isyu din ng mga kalalakihan.

Ang paglulunsad ng MALAKAS sa lalawigan ay suportado nina Governor Aurelio Umali, Vice Governor Anthony Umali, at dating Board Member Rommel Padilla.

Sa panayam naman kay Police Major Manuel Catacutan, Chief ng Provincial Affairs and Development Branch ng Nueva Ecija Provincial Police Office o NEPPO, ay inihayag nito na mula sa buwan ng Enero hanggang Nobyembre ngayong taon ay nasa tatlumput dalawang kaso ng rape at attempted rape, at 112 cases ng Violence Against Women and Children o VAWC ang kanilang naitala.

Aniya, mas mababa ngayong taon ang naitalang kaso ng mga paglabag sa karapatan ng mga kababaihan dahil na rin sa pagsasagawa ng mga kapulisan ng mga dayalogo katuwang ang bawat Women and Children Protection Desks o WCPD personnel ng bawat bayan sa probinsya.— Ulat ni Jovelyn Astrero

Watch – Masiglang Kalalakihan Laban sa Karahasan, inilunsad sa Nueva Ecija


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *