MATINONG PAGHAHANDA PARA SA LINDOL

Ang lindol bilang isang trahedya ay mistulang traydor sapagkat hindi natin alam kung kailan ito daraan sa ating buhay. Bagamat may kaukulang teknolohiya na naaangkop sa lindol, ito’y hindi tulad ng bagyo na nalalaman natin kung gaano kalakas at ilang araw pa nating napaghahandaan bago pumasok sa ating bansa.

Christian College of the Philippines, Cabanatuan City, 154 perished when this building collapsed during the July 16, 1990 Earthquake

Sa Nueva Ecija, hindi na mabubura sa ating isipan ang kasaysayan ng sinapit ng ating mga kababayan sa isa sa mga pinakamalakas na lindol sa talaan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na tumama sa atin particular ang magnitude 7.8 sa Luzon noong Hulyo 16, 1990 na kung saan mahigit 1,621 ang naiulat na nasawi at bilyong pisong halaga ng mga ari-arian ang napinsala.

Ang Gabaldon, Cabanatuan City, at Pantabangan, ang siyang mga pangunahing lugar na naapektuhan  samantalang ang Dagupan City at Baguio City ay hindi rin nakaligtas.

Map showing the Pacific Ring of Fire

 

Ang Pilipinas ay kabilang sa mga bansang nasa Pacific Ring of Fire o mga lugar na binabaybay ng mga pagyanig kapag may nagaganap na mga paglindol at pagputok ng mga bulkan sa Pacific Ocean bunsod ng mga fault line.

Sa ginawang pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA) sa Metro Manila noong 2004 na mayroon malaking posibilidad na tamaan ng isang 7.2 magnitude na lindol ang kalakhang Maynila at kung mangyayari ito, lumabas sa pag-aaral na 40% ng residential buildings ang magigiba, 35% ng public buildings ang guguho at 34,000 ang mamamatay habang aabot daw sa 114,000 ang masusugatan. May dagdag pang 18,000 fatalities sa mga sunog na lilikhain ng naturang lindol.

Magugunita na noong 2013 sa inter-agency summit ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay nagbabala ang Phivolcs  na sa sandaling gumalaw ang West Valley Fault malubhang crisis ang ating mararanasan.

West Valley Fault Line

Kamakailan ay ipinalabas ng Phivolcs ang mapa ng valley fault system (Marikina Fault) na umaabot ng mahigit isang daang kilometro. Ito ay gumalaw na ng 4 na beses sa nakaraang 1,400 taon, o tinatayang gumalaw tuwing ika- 400 taon ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum

Pagtapos nating makita ang pinsalang dulot ng lindol sa Bohol, Cebu, Nepal na sinundan ng pagyanig ng Mt. Everest sa China, at sa Japan nito lamang May 30, 2015. Nakakatakot isipin ang malawak na sisirain ng isa na namang pagyanig kung ito ay magyayari sa Nueva Ecija.

Edukasyon at paghahanda ang nararapat. Dahil buhay at kaligtasan ng lahat ang pinag-uusapan natin dito. Ito ang paraang ating magagawa upang protektahan ang buhay dahil hindi natin kailanman maaaring labanan ang tadhana at kalikasan.

 

Nawa’y natuto na tayo sa karanasan ng 1990 Luzon Killer Quake.

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *