MAYOR NERIVI S. MARTINEZ, KOMPIYANSANG MALAPIT NANG MAGING LUNGSOD ANG BAYAN NG TALAVERA

Kompiyansa si Mayor Nerivi Santos Martinez na malapit na ngang matupad ang matagal ng pinapangarap ng bawat Talaveranons na tuluyan ng maging lungsod ang bayan ng Talavera, dahil sa malusog at matatag na kaban ng kanilang bayan.

May pagmamalaking iniulat ni Mayor Nerivi Santos Martinez sa kanyang State of the Municipality Address ang naging pagtaas ng kanilang ekonomiya noong 2014 kumpara noong taong 2013.

Mula sa 37,685,335 pesos  noong 2013 ay tumaas ito ng 11.67% na umabot sa 43,987,595 pesos noong 2014, habang tumaas din ng bahagya mula sa 1, 273 hanggang 1,421 ang bilang ng mga bagong negosyo at mga nag-renew ng rehistro sa kanilang Bayan.

Tumaas din ng 62.5% ang capital investment ng mga negosyo sa kanilang bayan, na umabot sa mahigit isang bilyong piso, na nakapagbigay ng trabaho sa 3,578 katao, kumpara sa 741,080,000 piso noong 2013.

Naniniwala si Mayor Martinez na masigla ang pangangalakal sa kanilang bayan dahil malaki ang tiwala at kompiyansa ng mga namumuhunan sa kanilang bayan at maging sa lokal na pamahalaan.

Isa sa ipinagmamalaki ng Mayora ay ang Livelihood program na naging tagumpay sa pagbibigay ng pagkakataon upang magkaroon ng karagdagan at bagong hanap buhay ang mga Talaveranons, at mabawasan ang kahirapan sa kanilang bayan.

Una sa puso ni Mayor Nerivi ang scholarship program, naglaan ang Pamahalaang bayan ng Talavera ng 20 milyong piso para sa Kolehiyo ng Bayan bilang tulong para sa mga kabataan.

Para kay Mayor Nerivi ang matatag na imprastraktura ay simbolo ng matatag na pagsulong at progreso ng bayan, kaya naman naglaan sila ng 144 milyong piso para sa mga proyektong pang-imprastraktura noong nakaraang taon.

Ginawaran din ng pagkilala ng DILG o Department of Interior and Local Government ng Good Financial Housekeeping ang bayan ng Talavera noong nakaraang taon, bilang bahagi ng seal of good local governance, dahil sa maayos at bukas na pamamalakad ng kanilang pamahalaan, ayon kay Mayor Nerivi. Ulat ni Shane Tolentino


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *