Mayor ng Cabanatuan, gustong umutang; Miyembro ng Sangguniang Panlungsod, nagtalo

Pinagtalunan ng mga Miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan ang panukalang pag-aprubado ng isang resolusyon na nagbibigay permiso kay Mayor Jay Vergara na pumasok sa kasunduaan upang umutang sa mga bangko.

Ayon kay Vice Mayor Anthony Umali, nasa bungad pa lamang ng taon at kakaaprubada lamang ng P1.5 billion Annual Budget bukod pa sa kakapasa lamang na P158 Million na Supplemental Budget ng Lungsod ng Cabanatuan ay heto na naman at nagbabalak na muling mangutang ang City Government.

Suhestiyon ng Pangalawang Punong Lungsod sa Finance Committee, bigyan ng listahan ang Sanggunian ng mga proyektong paggagamitan ng pondo. Aniya, dokumentong panghahawakan ang kailangan nila at hindi salitaan lamang.

Ngunit, nais ni Kon. Ruben Ilagan na aprubahan na agad ang panukala.

Hirit ni Kon. Rosendo Del Rosario, ang panukala ay preparasyon pa lamang sa pangungutang.

Sa pahayag ni Kon. Gave Calling, malinaw ang ninanais ng Pangalawang Punong Lungsod na magkaroon ng suportadong dokumento na nasagot na ng Finance Committee.

Subalit, ayaw sumuko ng ilang miyembro ng mayorya at pilit na nagpapaliwanag upang agarang maaprubahan ang naturang panukala.

Paliwanag ni Kon. Calling, hindi naman urgent ang resolusyon kaya hindi dapat madaliin.

Hanggang sa nagsalita na ang chairman ng Majority Floor Leader Kon. Ej Joson at binigyan ng kaliwanagan ang mga kasamahan niya sa mayorya.

Ayon sa Bise Alkalde, binibigyang diin niya ang ganitong proseso sa loob ng sanggunian upang taas noo ang mga miyembro sa bawat panukalang dumaraan at inaapruba sa kapulungan.

Natapos ang usapin sa paglilipat ng panukala sa Committee on finance, budget and appropriations na mangongolekta ng mga hinihiling na dokumento. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *