Mayor ng San Antonio, Nueva Ecija, muling nakaligtas sa ambush

Nakaligtas na muli sa ambush si Mayor Arvin Salonga ng bayan ng San Antonio, Nueva Ecija kahapon September 8, 2020.

Mahigit kumulang nasa walong bala ng caliber 9mm na baril ang tumama sa kulay itim na SUV Toyota Land Cruiser na minamaneho ni Mayor Salonga, na isa rito ay dumaplis sa kanyang katabing bodyguard  na si Danny Camelo, 53 years old, na nagtamo ng sugat sa leeg.

Base sa salaysay ni Mayor Salonga, bandang alas otso bente singko ng umaga habang binabagtas nila ang kahabaan ng Jaen-San Leonardo bridge sa barangay Apo Esquivel, bayan ng Jaen nang paputukan sila ng sunud-sunod  ng gun man na nakaangkas sa isang Honda XRM na motorsiklo na walang plate number.

Dahil dito ay binilisan umano ng alkalde ang pagmamaneho sa kanyang sasakyan hanggang makauwi sila sa kanilang bahay kung saan ginamot ang sugat ng kanyang bodyguard.

Sa panayam ng Balitang Unang Sigaw, sinabi ni Mayor Arvin na wala naman siyang nakikitang dahilan o sinumang may motibo para siya ay paslangin.

Nakita sa nakuhang CCTV footage na mabilis na tumakas ang mga suspek na riding in tandem patungong direksyon ng San Leonardo.

Narekober  naman ng SOCO ang labindalawang basyo ng bala ng 9mm sa tulay ng Jaen-San Leonardo.

Ayon kay Col. Marvin Joe Saro, OIC- Nueva Ecija Provincial Police Director, lahat ng posibleng anggulo ay kanilang iimbestigahan upang matukoy ang salarin sa pag-atake kay Mayor Arvin.

Hindi naman ito ang unang pagkakataon na pinagtangkaan ang buhay ng alkalde ng San Antonio.

Taong 2017 nang mahuli ng mga awtoridad ang isang retired police at kasama nito na binayaran umano para patayin si Salonga.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *