Mayor Vargas ng Aliaga, humingi ng paumanhin kay Governor Umali at sa ELJ Hospital

Humingi ng paumanhin si Aliaga Mayor David Angelo Vargas kay Governor Aurelio Umali at sa mga staff ng ELJ sapagkat nagamit ng Ang Bagong Nueva Ecija fb page ang kanyang statement tungkol kay patient #52 upang palabasin na nagpabaya ang pamahalaang panlalawigan at ang naturang ospital.

Aniya, dahil sa kawalan ng quarantine facility sa kanilang bayan ay tama lamang na magstrict-home quarantine si patient #52 base sa payo ng ELJ Hospital nang payagan itong umuwi dahil wala na siyang nararamdamang anumang sintomas ng COVID-19.

Sa post ng Ang bagong Nueva Ecija noong May 19,2020 ay sinabi na idinischarge sa ELJ Memorial Hospital si patient #52 at pinaghome quarantine lamang sa halip na ipadala sa mga quarantine area na nagdulot ng maling impresyon sa mga tao.

Nauna na rito, sa programang Usapang Malasakit sa Lipunan noong May 19, 2020 ay mariing pinabulaanan ni Governor Umali ang post na ito ng Ang Bagong Nueva Ecija dahil lahat aniya ng detalye sa pasyente ay dokumentado simula pa lamang nang makaramdam ito ng sintomas hanggang sa magpositibo sa COVID-19.

Sa panayam kay Chief of ELJMH-Dr. Augusto Abeleda Jr. ay ipinaliwanag nito na si patient #52 ay tatlong linggong nanatili sa ELJ at wala ng ipinapakitang sintomas ng sakit kung kaya’t ninais nang makauwi ng kanyang bahay.

Dahil sa kahilingan ng pasyente ay nakipag-ugnayan ang ELJ sa Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU) kung maaari na itong pauwiin habang hinihintay ang resulta ng kanyang swab test, na pinahintulutan naman nila dahil base sa protocol ng Department of Health (DOH) maaari nang pauwiin ang isang pasyente kung wala nang ipinapakitang sintomas ng COVID-19 ngunit dapat ay sumailalim sa 14 days quarantine.

Matatandaan na mahigpit na ipinag-utos ng Nueva Ecija Inter-Agency Task Force sa lahat ng mga Hospital sa lalawigan na bago palabasin sa pagamutan ang mga pasyenteng gumaling at nagpositibo sa COVID ay kinakailangang masiguro na may quarantine facility itong magagamit sa kanilang tahanan, kung wala ay maaari itong dalhin sa mga identified quarantine facility sa bawat bayan o lungsod.

Sa kaso ni patient #52, May 8, 2020 nang payagan itong makalabas ng ospital at dahil mag-isa lamang ito sa bahay at walang ibang maaaring makahalubilo ay pinag-strict home quarantine ito.

May 17, 2020 nang lumabas na positibo siya sa COVID-19 ngunit dahil asymptomatic na ang pasyente ay muli itong isinailalim sa pangalawang swab test kung saan nagnegatibo ito sa coronavirus disease at idineklarang naka recover na noong May 21, 2020.

Sinabi ni Dr. Abeleda na dahil sa post ng Ang Bagong Nueva Ecija ay masasakit na salita ang kanilang natanggap mula sa mga netizen sa kabila ng sakripisyo ng mga frontliners upang makapagligtas ng buhay ng mga tinamaan ng sakit.

Babala ni Governor Umali sa mga admin ng naturang page na gagawa siya ng legal na hakbang kapag hindi inayos ng mga ito ang pagbibigay ng impormasyon tungkol sa COVID-19.-ulat nina Maybelle Ramirez at Amber Salazar

Watch – Mayor Vargas ng Aliaga, humingi ng paumanhin kay Governor Umali at sa ELJ Hospital


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *