Mga bayan ng San Isidro at Cabiao, pabor sa Bypass Road Project sa 4th District

Pagkatapos ng public consultation na isinagawa noong nakaraang Huwebes, August 30, 2018, sa bayan ng Peñaranda at Lungsod ng Gapan, kasunod na tinipon ang mga may-ari ng lupa sa bayan ng San Isidro at Cabiao na madadaanan ng bypass road project.

Ginanap ang meeting sa bawat munisipyo ng mga nabanggit na bayan kung saan ipinaliwanag sa 34 na land owner sa bayan ng San Isidro at 62 naman sa bayan ng Cabiao ang gagawing proyekto at kung ano ang mga maaaring gawing hakbang hinggil sa usapin.

Isa si Mang Felipe Palon, residente ng Brgy. Malapit, San Isidro, Nueva Ecija sa mga may-ari ng lupang sakahan na madadaanan ng bypass road construction.

Aniya ay pabor siya sa gagawing proyekto ng Pamahalaang Panlalawigan dahil malaking tulong din ang kalsadang ipagagawa sa mga land owner at sa mga magsasaka dahil mapapalapit at mas mapapabilis ang pagpunta nila sa kanilang pananim oras na matapos ito.

Para naman kay Cabiao Mayor Ramil Rivera, 50% ng problema sa trapiko ang mababawas sa kanilang bayan at gayundin ay maaaring maging residential area ang mga lugar na dadaanan ng bypass road dahil ayon sa kanya ay isa pa sa problema sa kanilang bayan ang tirahan ng mga residente dahil puno na ang mga residential areas sa lugar.

Dagdag pa ni Mayor Rivera, plano ng Pamahalaang Lokal na magtayo ng sementeryo at gasolinahan sa gilid ng bypass road na malaki rin ang maitutulong sa mga residente sa kanilang bayan.
Sa darating na Huwebes, September 6, 2018, ay magkakaroon pa ng final notice sa mga may-ari ng lupain sa lungsod ng Gapan at bayan ng Cabiao upang bigyan ng pagkakataon ang mga land owner na mapaliwanagan at pumirma sa kasunduan.

Ang 23 kilometrong haba ng bypass road project na ito ng Pamahalaang Panlalawigan ay magsisimula sa Brgy. Sto. Tomas, sa bayan ng Peñaranda at magtatapos sa Brgy. San Fernando Norte, bayan ng Cabiao.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *