Mga benepisyo ng Rice Tariffication Law, ipinaliwanag sa mga magsasaka ng Talavera

Nagsagawa ng ANI: Pagtitipon at Diskurso para sa Rice Tariffication Law forum ang BCS o Bureau of Communications Services sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Agriculture, TESDA at Land Bank na ginanap sa munisipyo ng Talavera noong nakaraang Huwebes, August 1, 2019, upang talakayin ang mga benepisyo ng RTL sa mga magsasaka.

Dinalihuan ito ng halos 300 magsasaka mula sa iba’t ibang barangay sa naturang bayan na inimbitahan ng BCS sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Talavera sa pangunguna ni Mayor Nerivi Santos-Martinez.

(Mga magsasakang dumalo sa ANI: Pagtitipon at Diskurso para sa Rice Tariffication Law)

Sa aming panayam kay Bureau of Communications Services Chairman Eileen Cruz-David, layunin ng naturang forum na maipaalam at maipaunawa sa mga magsasaka at agricultural stakeholders ang mga bentahe ng RTL, at upang personal na marinig ang mga hinaing ng mga magsasaka kaugnay nito.

Partikular na tinalakay sa forum ang mga paglalaanan ng 10 billion pesos na RCEF o ang Rice Competitiveness Enhancement Fund kung saan 50% o kalahati nito ang ilalaan para sa mga makinarya at kagamitan sa pagsasaka; 30% para sa rice seed development, propagation at promotion; 10% sa rice credit assistance; at 10% sa rice extension services.

Sa open forum na ginanap, isa sa mga katanungan ng mga magsasakang dumalo ay kung paano sila magiging benepisyaryo ng mga libreng makinarya na mangagagaling sa PhilMech o Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization.

Bilang tugon ay inisa-isa ni Engr. Raul Paz, Director ng PhilMech, ang mga requirements para maging beneficiary nito, kabilang ang Letter of Intent mula sa otorisadong samahan ng mga magsasaka na ipapasa sa kanilang tanggapan na dadaan sa validation  upang matukoy ang angkop na kagamitan na makatutugon sa kanilang pangangailangan.

Pagdating naman sa pagbili ng palay ng NFA o National Food Authority ay prayoridad para sa mga maliliit na magsasaka ang hiniling ng mga ito sa open forum.

Sagot ni National Economic and Development Authority Assistant Secretary Merceditas Sombillo dito ay makikipag-ugnayan ang kanilang tanggapan sa NFA upang talakayin at pag-aaralan ang naturang kahilingan.

Sinabi naman ni Ricardo Buenaventura, isang magsasaka at cooperative leader mula sa Brgy. Tabacao sa naturang bayan, na bagamat malaki ang naitulong ng libreng patubig ng pamahalaan upang makatipid sila sa gastos hindi umano ito sapat para maibigay ang tamang kita para sa kanila.

Kaya’t hiling ni Buenaventura sa gobyerno, sana ay magkaroon din ng subsidiya sa binhi at fertilizer na ilan sa mga pinakamalaking ginagastusan ng mga ito. –Ulat ni Jessa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *