Mga biktima ng paputok sa pagsalubong ng 2019, bumaba ng halos 50% kumpara noong nakaraang taon

Bumaba ng halos 50% ang bilang ng mga nabiktima ng paputok dito sa lalawigan sa pagsalubong ng 2019 kumpara noong nakaraang taon.

Mula sa halos 80 kaso ng nabiktima ng paputok dito sa probinsya noong taong 2018 ay bumaba na ito sa 44 na kaso ngayong 2019.

Base sa tala ng Provincial Health Office o PHO, pinakamaraming firecracker related injuries ang naitala sa San Jose City na umabot sa 12, sumunod ang Cabanatuan City na nakapagtala ng 10 kaso at ang Gapan City na mayroong limang kaso.

Sa bayan naman ng Laur ay tatlo ang naitala, dalawa sa palayan City at tig-iisa naman sa mga bayan ng Aliaga, Cabiao, Cuyapo, General Tinio, Jaen, Licab, San Antonio, San Isidro, Sto. Domingo at Zaragoza.

Katulad noong nakaraang taon ay numero uno pa rin sa listahan ng mga sanhi ng pagkakasugat ay ang paputok na Piccolo na may 11 kaso, pumangalawa ang kwitis na may 10 kaso, anim sa Five Star at tatlo sa Fountain.

Tatlumpu’t dalawa sa mga nabiktima ay nasa 20 taong gulang pababa.

Wala namang nai-report na biktima ng ligaw na bala at nakalunok ng paputok, gayundin ay wala ring naputulan ng anumang parte ng katawan.

Ikinatuwa naman ng PHO ang pagbaba ng bilang ng mga biktima ng paputok ngayong taon lalo at hindi sila nagkulang sa pagpapaalala sa mga Novo Ecijano sa peligrong dulot ng paggamit ng paputok.

Ayon kay PHO Health Officer Dra. Josefine Garcia, hindi sila magsasawang magpaalala sa mga Novo Ecijano na iwasan ang paggamit ng paputok at salubungin ang bagong taon sa ligtas na paraan. –Ulat ni Jessa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *