Mga Cabanatueño, kaniya-kaniyang diskarte para maibsan ang init na nararanasan

Muling naitala sa lungsod ng Cabanatuan ang pinakamataas na heat index na pumalo sa 51 degree celcius noong Martes, April 17, 2018. Kaya kaniya-kaniya na ng diskarte ang mga Cabanatueño upang maibsan ang init na nararamdaman.

Ayon kay Aldczar Aurelio, Weather Forecaster ng PAGASA, nakababahala ang naitatalang taas ng init sa ilang bahagi ng bansa.

Aniya, hindi pa ito ang pinakamataas na heat index na maaring maranasan ng mga pinoy dahil malaki umano ang posibilidad na umakyat pa ang temperatura sa bansa sa mga susunod na araw.

Kapag lumagpas na sa 54 degree celcius, ito ay lubhang mapanganib na sa kalusugan at malaki ang tiyansa na tamaan ng heat stroke.

Payo ng Department Of Health o DOH, uminom ng maraming tubig upang maiwasan ang dehydration, lalo na ang mga nalalantad at nananatili nang matagal sa ilalim ng sikat ng araw.

Kaya naman, kaniya-kaniya na ng diskarte ang mga Cabanatueño upang maibsan ang nararanasang init ng panahon.

Kagaya na lamang ni Wilfredo Pascual na isang traffic enforcer, na sinasamantala ang pagkakataon na lumilim kapag maluwag ang trapiko upang makaiwas sa tindi ng sikat ng araw.

Palagi namang may baong jacket at inuming tubig si Edno Cagingging isang tricycle driver upang maiwasan ang pagkahilo sa pamamasada.

Pagpahid naman ng basang bimpo ang paraan ni Anthony Mercado isang tindero, upang maibsan ang nararamdamang alinsangan.

Nito lamang nakaraang linggo ay nakapagtala ang pagasa ng 50.2 degree celcius heat index sa lungsod pa rin ng Cabanatuan.

Habang matatandaan na noong nakaraang taon, ay pumalo sa 53.5 degree celcius ang heat index sa naturang siyudad. – Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *