Mga checkpoints sa mga borders ng Nueva Ecija, mahigpit pa rin sa ilalim ng Modified GCQ

 Mahigpit pa rin ang mga checkpoints sa mga borders ng lalawigan ng Nueva Ecija kahit na nasa ilalim na ito ng Modified General Community Quarantine.

Ito ay alinsunod sa atas ng Nueva Ecija Inter-Agency Task Force sa pamumuno ni Governor Aurelio Umali upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng positibong kaso ng COVID-19 sa lalawigan.

Sa programang Usapang Malasakit sa Lipunan noong September 10, 2020 ay sinabi ni Governor Oyie na patuloy pa rin ang paghihigpit sa mga checkpoints papasok ng lalawigan at malaki aniya ang ibinaba ng COVID-19 positive patients dahil dito.

Kanina ay ating nakausap si Police Captain Wilson Kimmayong, Platoon Leader ng First Platoon PMFC-NEPPO, at sinabi nitong katuwang nila sa pagbabantay sa checkpoint ang Gapan City Police Station at City Health Representatives.

Maliban kasi sa paghingi ng health certificate at travel authority sa mga pumapasok sa lalawigan ay mahigpit ding pinamomonitor ng City IATF na masusunod ng mga residente ng Gapan City na uuwi sa kanilang tahanan na galing Manila o saan man sa labas ng Nueva Ecija ang 14 days quarantine.

Sa naging panayam naman ng Balitang Unang Sigaw kay Col. Marvin Joe C. Saro, Provincial Director ng Nueva Ecija Police Provincial Office, mayroong labing dalawang fixed quarantine boarder control points na binabantayan ng ating mga kapulisan nang 24 oras sa probinsya.

 Ayon kay Col. Saro, lahat ng mga pumapasok sa lalawigan ay hinahanapan nila ng health clearance at kapag not APOR o Unauthorized Person Outside Residence ay hinahanapan naman nila ng travel pass.

Maging ang mga nagdedeliver ng mga essentials tulad ng mga pagkain, gamot, at mga produktong pang agrikultura ay hinahanapan din nila ng travel authority at lahat naman daw ay nakakapag-comply.

Maliban sa labing dalawang quarantine border control points ay mayroon ding checkpoints per cities and municipalities para sa counter check o masiguro at masala ang mga pumapasok sa probinsya.

Mahigpit pa rin ang kanilang pagmomonitor sa mga magkaangkas sa motor kung saan ang mga mag-asawa lamang ang pinapayagan, sa tricycle naman ay dapat daw ay isa lang din ang sakay sa loob.— Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *