Mga dapat gawin pagkatapos ng gamutan, itinuro ng JRBY Cancer Institute sa mga cancer survivors

Tinalakay ni Dr. Andrew A. Yacat, Head ng Section of Medical Oncology ng Joseph Ray B. Yang Cancer Institute sa isinagawang Cancer Survivor’s End Game: A Seminar on What to do After Surviving Cancer ang kahalagahan ng survivorship sa mga dumanas ng sakit na cancer.

Ayon kay Yacat, hindi natatapos sa chemotheraphy, radiation theraphy o immuno therapy ang gamutan sa cancer dahil hindi ito tulad ng simpleng sipon lamang na matapos gamutin ay hindi na nangangailangan ng follow up treatment.

Dahil hindi alam ang gagawin ay nagdudulot aniya ito ng takot, depresyon, stress o insomnia sa mga cancer survivors dahil sa pangambang baka bumalik ang kanilang cancer.

Aniya kinakailangan ng assessment ng naging side effect matapos ang treatment na pinagdaanan ng pasyente at mahalaga din ang koordinasyon sa mga doktor na tumingin at gumamot sa kanila para sa monitoring upang maiwasan na ang pagbalik ng kanilang cancer.

Mahalaga din ang balanced diet, ehersisyo, pamproteksyon sa anumang usok gaya ng face mask at suporta mula sa mga kapamilya, kaibigan at kamag-anak.

Ayon naman kay Dr. Lailanie M. Gustilo, Medical Specialist III ng PJGMRMC, matapos ang mahabang pakikipaglaban sa sakit na cancer ay kinakailangang maibalik ng isang cancer survivor ang kanyang dating sarili, ang dating sigla at layang gawin ang mga nais nito sa buhay.

Dagdag nito, pagkatapos ng gamutan ay mahalaga na magkaroon ng mga vaccines hindi lamang ang mga cancer patient survivors kundi maging ang mga pamilyang nakakasalamuha nito sa bahay.

Samantala, base sa iprinisentang datos ni Yacat dalawang daang uri ng cancer ang maaaring tumama sa mga tao kung saan aabot sa mahigit isang daang libo ang naitatalang bilang ng mga bagong kaso ng cancer sa bansa at nasa higit walumpong libo dito ang namamatay taun-taon.

Noong 2018 sa 141, 021 na bagong kaso ng cancer sa Pilipinas ang breast cancer ang may pinakamaraming bilang na nasa 17.6% o may katumbas na 24, 798 na kaso, kasunod ang lung cancer na nasa 12.2% o may katumbas na 17, 255 na kaso, sumunod naman ang colorectum cancer, liver cancer at prostate cancer.

Mataas ang porsyento ng nagkakaroon ng breast cancer sa bansa ang mga kababaihan habang sa mga kalalakihan ay ang lung cancer. – Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *