Mga dating nalulong sa droga, bibigyan ng second chance ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija

Bibigyan ng ikalawang pagkakataon ng pamahalaang panlalawigan ang mga nalulong sa ipinagbabawal na gamot at iba pang bisyo na magbagong buhay, maibalik sa komunidad at sa kanilang pamilya.

Ito ay sa pamamagitan ng Drug Treatment and Rehabilitation Center ng pamahalaang panlalawigan na pinasayaan kahapon, January 15, 2020 na matatagpuan sa Brgy. Ganaderia, Palayan City.

Sa mensahe ni Governor Aurelio Umali, sinabi nito na ang pagtatatag ng nasabing pasilidad ay ang paraan ng pamahalaang panlalawigan para makatulong sa mga mamamayan na naligaw ng landas dahil sa droga, alak o sigarilyo.

Ang drug rehab na nagkakahalaga ng halos 70 million pesos ay may kabuuang luwang na 3 hectares, dalawang ektarya para sa mga pasilidad na kayang mag-accommodate ng 150 indibidwal at isang ektarya naman para sa livelihood training ng mga magiging residente nito.

Inanunsyo rin ng gobernador na plano pang dagdagan at mas pagandahin ang mga kasalukuyang facilities ng ospital para mas maraming mamamayan pa ang matulungan nitong magsimula ng panibagong buhay.

Ayon naman kay Father Arnold Abelardo, Executive Director ng naturang drug rehab, kumpleto ang gagawing rehabilitasyon sa sinumang indibdwal na boluntaryong magpapa-admit o di kaya ay ipapasok ng kanilang pamilya sa ospital.

Bukod sa physical aspect ay magkakaroon din ng psychospiritual approach sa mga pasyente para masiguro na bago ibalik sa komunidad ang mga ito ay may matatag nang pundasyon para hindi na muling mabalik sa mga bisyo at sa paggamit ng iligal na droga.

Dagdag pa ni Fr. Abelardo, ang isang pasyente ay maaaring tumagal ng tatlong buwan hanggang isang taon sa pagamutan depende sa severeness o kalubhaan ng kaso ang itatagal ng gamutan.

Binati naman ni Dangerous Drugs Board Secretary Catalino Cuy ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pangunguna ni Governor Umali dahil sa matagumpay na pagpapatayo nito ng drug rehabilitation center na malaki ang maitutulong sa mga mamamayan lalo na sa kampanya ng gobyerno kontra iligal na droga.

Nagpahayag din ng pagsuporta si Secretary Cuy sa naturang proyekto at sa iba pang mga programa ng lalawigan na may kinalaman sa pagsugpo ng ipinagbabawal na gamot sa bansa. –Ulat ni Jessa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *