Mga kapitan, pinatutulong sa validation ng farmer beneficiaries ng Nueva Ecija Food Council

Sa pagbisita ng mga ABC Presidents ng mga bayan ng Guimba, General Tinio, Carranglan, Zaragoza, Cabiao at Muñoz kay Governor Umali ay nagbigay ito ng direktiba na tumulong na sila sa validation ng mga farmer beneficiaries sa kanilang lugar.

Paalala ng gobernador sa mga kapitan na tiyakin na pinaka mahihirap na magsasaka na may isang ektaryang lupain pababa lamang ang kanilang irerekomenda sa mga tauhan ng kapitolyo.

Dumulog sa tanggapan ni Governor Aurelio Umali ang mga president ng Association of Barangay Captains ng anim na bayan ng Nueva Ecija.

Sa programang Usapang Malasakit sa Lipunan noong September 17, 2019, humingi ng paumanhin ang gobernador sa mga magsasaka na umani na at aani na ngayong buwan ng Setyembre dahil sa October 1, 2019 pa nakatakdang mamili ng sariwa o basang palay ang Food Council sa mga natukoy na beneficiaries.

Paliwanag ni Governor Umali inaayos pa kasi nila ang legal na basehan upang mabigyan ng kapahintulutan sa pamimili ng palay.

Kung makapaghihintay aniya hanggang Oktubre ang mga magsasakang nag-text sa programa na nakaani na at napatuyo na ang kanilang palay ay susubukan itong bilhin ng pamahalaang panlalawigan sa presyong mas mataas sa NFA.

Umaasa at gumagawa ng paraan si Governor Oyie na sa dry season o susunod na anihan ay mapapasama na sa mga matutukoy na farmer beneficiaries ang mga nauna nang nakaani ngayong buwan.
Aabot na kasi sa 2.2 billion pesos ang pondo ng pamahalaang panlalawigan para sa pamimili ng palay, mula sa 200-Million pesos na naka-deposito na sa Development Bank of the Philippines ay madadagdagan ito ng tig-iisang bilyong piso na uutangin mula sa DBP at Land Bank of the Philippines.- ulat ni Clariza de Guzman


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *