Mga lokal na kandidato sa Nueva Ecija, nakiisa sa Unity Walk para sa peaceful 2019 elections

Alas-sais ng umaga nang sama-samang naglakad ang mga lokal na kandidato ng Nueva Ecija mula Freedom Park hanggang NEPPO Gymnasium, sa Cabanatuan City bilang pakikiisa sa isinagawang Unity Walk kahapon, January 14, 2019.

Ang Unity Walk ay inorganisa ng Nueva Ecija Provincial Police Office (NEPPO), katuwang ang Commission On Election (COMELEC), Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine Army, Bureau of Fire Protection (BFP) at Religious Groups.

Ayon kay Provincial Director PSSupt Leon Victor Rosete, ang pagdalo ng mga lokal na kandidato ay magandang inisyatibo ng pakikisa para sa panawagan ng maayos, mapayapa at tapat na halalan sa Mayo.

Ikinatuwa rin ni Provincial Election Supervisor Atty Jonalyn Sabillano, ang pagiging aktibo ng mga lokal na kandidato.

Matapos ang Unity Walk, ay nag-alay ng dasal ang mga religious leader, na sinundan ng sabay-sabay na panunumpa ng mga kandidato para sa Integrity Pledge at Peace Covenant Signing.

Sa hanay ng Gubernatorial Candidates ay dumalo sina Aurelio “Oyie” Umali ng Unang Sigaw, Renato Maliwat ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS) at Virgilio Bote ng PDP Laban.

Kasama ni Umali ang iba pa niyang mga kapartido na sina Doc Anthony Umali na pambato sa Bise Gubernador, Incumbent Governor at 3rd District Representative Candidate Czarina “Cherry” Umali, Board Member Candidates at iba pang mga kandidato sa bayan at lungsod ng lalawigan.

Nakibahagi rin sa aktibidad ang Independent Mayoral Candidate ng Cabanatuan City na si Philip “Dobol P” Piccio na buwena manong sasabak sa lokal na halalan.

Habang ang mga makakalaban ni Piccio at ng mga Umali sa Provincial hanggang City Level na sina Edno Joson, Eduard Joson at pamilyang Ria, Jay at Myca Vergara ay “no show” sa nasabing pagtitipon.

Paalala ni Rosete sa mga kandidato, tumulima sa mga umiiral na batas ngayong eleksyon.

Matapos ang aktibidad ay sabay-sabay na pinalipad ang mga puting kalapati na sumisimbolo ng inaasam na mapayapa at malinis na halalan. –Ulat ni Danira Gabriel

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *