Mga magsasaka, ipinapabasura ang Rice Tariffication Law sa mga kongresista ng Nueva Ecija

Isinisisi ng mga magsasaka ang pagbagsak ng presyo ng palay sa Rice Tariffication Law na pumapalo na lamang sa 7 hanggang 11 pesos kada kilo sa Nueva Ecija.

Kaya naglunsad ng Palay Forum ang iba’t ibang progresibong grupo mula sa Gitnang Luson sa Nagpandayan National High School sa Bayan ng Guimba, noong Martes, September 10, 2019 kung saan sinimulan ang pagpapapirma ng petisyon upang ibasura ang Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law.

Sa panayam kay Joseph Canlas, Chairman ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luson o AMGL, layunin ng forum na maipaunawa sa publiko na ang dahilan ng pagbagsak ng presyo ng mga lokal na aning palay ay dahil sa pagpasok ng mga imported na bigas sa bansa.

Hinihiling sa petisyon ng mga magsasaka kay First District Congresswoman Estrelita “Ging” Suansing na magsulong ng resolusyon sa kongreso para agarang ipag-utos ang paglalagay ng limitasyon sa pag-aangkat ng bigas at pagbasura sa RTL.

Kasama ang pagbibigay ng sapat na alokasyon sa pondo ng NFA upang sapat na matugunan at mabili ang mga palay ng magsasaka sa buong lalawigan.

Isa sa mga magsasaka ang kumuwestyon dito dahil si Congresswoman Ging Suansing ay nakapirma at isa sa may akda ng naturang batas.

Paliwanag ni Canlas hindi lamang si Congresswoman Suansing ang pumirma at may akda ng Rice Tariffication Law kundi ang apat na kongresista ng Nueva Ecija pwera si 4th District Congresswoman Maricel Nagaño.

Ngunit dahil aniya ang mga kongresistang ito rin ang nakaupo sa posisyon ay “no choice” sila o wala silang ibang malalapitan.

Kaya kahit duda man ang mga magsasaka sa intensyon ni Suansing sa pagtugon nito sa karaingan nila ay dumudulog sila rito at sa iba pang kongresista  para isulong  ang interes ng mga magsasaka lalo na ng mga taga Nueva Ecija na pangunahing rice producer ng bansa.

Ang House Bill No. 7735 o Revised Agricultural Tarrification Act ay iniakda ng limampu’t dalawang kongresista sa bansa, kabilang sina Congresswoman Ging Suansing, 2nd District Michaela Violago, 3rd District Congresswoman Rosanna “Ria” Vergara at Former 4th District Magnolia Antonino at inindorso sa Senado kung saan inisponsoran ni Committee on Agriculture Chairman Senator Cynthia Villar at pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.— Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *