Mga magsasaka , masaya sa patuloy na pagbili ng Provincial Food Council ng kanilang ani sa mas mataas na presyo

Malaking tulong umano para sa mga benepisyaryong magsasaka ang pagbili ng Provincial Food Council sa kanilang mga aning palay sa mas mataas na halaga kumpara sa umiiral na presyo ng palay sa bukid.

Isa ang farmer beneficiary ng provincial food council na si Fortunato Cristobal limamput apat na taong gulang mula Barangay Pilang, Sta Rosa na umani ng isangdaan at dalawampong kaban ng palay at nakapagbenta ng isangdaang kaban sa kayang inani.

Ayon sa kanya ibabayad nito ang kaniyang pinagbilan sa kaniyang inutang na puhunan na nagkakahalaga ng Php 30,000 bukod pa rito ang Php 15,000 na tubo at ang matitira ay ang kanilang panggastos sa araw-araw.

Tatay Fortunato Cristobal, masaya sa pagpili ng Provincial Food Council
sa kaniyang ani sa halagang Php13.50 sentavos

Nagpapasalamat si tatay Cristobal kay Governor Aurelio Umali dahil kinuha ng Provincial Food Councial ang kaniyang ani ng Php 13.50 sentavos  na mas mataas umano sa presyo ng palay sa kanilang lugar na pumapatak lamang sa 12.50 per kilo.

Gayundin si nanay Severina Agustin mula sa Barangay Cabisuculan Muñoz, Nueva Ecija na umani naman ng animnapong kaban ng palay na namuhunan ng sampong libong piso sa isang ektaryang lupain.

Masaya ito at lubos ang pasasalamat sa ama ng lalawigan dahil malaki raw ang naitutulong ng programang ito para sa kanilang mga magsasaka na nalugi.

Ang kaniyang palay na 402 ay nakuha ng Pamahalaang Panlalawigan ng 14.50  per kilo na malaking bagay na aniya para sa kanya dahil makakatulong na ito sa pangangailangan ng kaniyang mga apo na nag-aaral.

Ayon naman kay tatay Ruben Canuel singkwentay singko anyos mula sa San Isidro Lupao kung mananatili ang mababang presyo ng palay hanggang sa susunod na anihan ay baka hindi na magsaka ang mga maliliit na magsasaka.

Subalit ng malaman ang magandang balita ng Provincial Food Council sa pangunguna ni Governor Umali ay sinabi na natutuwa sya at nagkaroon ng ganitong programa dahil malaking bagay aniya ito para sa kanila.

Ruben Canuel, Humihiling sa pamahalaang panlalawigan na makapagpautang
para sa kanilang mga maliliit na magsasaka

Tanging hiling naman ni tatay Ruben na sana ay makapagpautang ang pamahalaang panlalawigan sa kanilang maliliit na magsasaka para sa mga gastusin sa bukid.

Ilan sa mga problema ng mga magsasaka sa kanilang lugar ay ang gastusin sa pagsasaka at ang pagpapatubig  sa kanilang sakahan dahil umaasa lamang sila sa sahod ulan. Ulat ni Myrrh Guevarra


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *