Mga magsasaka ng North Luzon, humiling na huwag madaliin ang pagpapatupad ng Rice Tariffication Law

Pinakiusapan ng mga magsasaka ng North Luzon ang Department of Agriculture (DA) at National Economic and Development Authority (NEDA) na pag-aralan munang mabuti at huwag sanang madaliin ang pagbalangkas ng IRR o Implementing Rules and Regulations ng Republic Act 11203 o Rice Trade Liberalization Law o mas kilala bilang Rice Tariffication Law, sa ginanap na Consultation with Stakeholders na ginanap sa PCC, Science City of Muñoz, kahapon, February 27, 2019.

Ayon kay Raul Monte National Manager ng Federation of Free Farmers, hindi pa lubos na nauunawaan ng mga magsasaka ang mga nakapaloob sa batas.

Aniya, masiyadong nakakapagtaka ang pagmamadali na ginagawa ng mga taong nagsusulong nito.

Para sa katulad ni Joan Dar, magsasaka ng Science City of Muñoz na may tatlong ektaryang bukirin na non-irrigated.

Ngayon pa lamang ay problemado na sila sa mahal ng gastos sa pagtatanim ng palay, bukod pa sa hirap na rin silang ibenta ang kanilang produkto dahil sa pagbagsak ng presyo at pagpasok ng vietnam rice sa merkado.

Naging emosyonal naman si Aura Asuncion, isang rice trader dahil hindi na niya kayang bigyan pa ng trabaho ang kaniyang mga pahinante.

Aminado si DA Sec. Manny Piñol na mabibigla ang magsasaka sa pag-implementa ng bagong batas.

Ngunit, aniya sa umpisa lamang ito dahil handang tumulong ang kagawaran upang umalalay sa kanila.

Kabilang sa mga inalatag na tulong ng DA ang pagtatayo ng solar power irrigation, pagpapautang, pamimigay ng fertilizer at livelihood programs para sa mga trabahong masasagasaan ng naturang batas.

Ito ang una sa apat na ikinasang konsultayson sa mga magsasaka para buoin ang IRR. Inaasahan na sa March 5 na ipatutupad ang Rice Tariffication Law. –Ulat ni Danira Gabriel

https://youtu.be/WtKRhM5qNa8


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *