Mga magsasaka sa anim na lugar sa Nueva Ecija, pinagkalooban ng cash assistance ng DA

Masayang tinanggap ng mga magsasaka mula sa mga bayan ng Talugtug, Quezon, Guimba, Cuyapo, Nampicuan at sa Lungsod Agham ng Muñoz ang limang libong piso na cash assistance mula sa Department of Agriculture o DA.

Aabot sa limandaang magsasaka ang nakatanggap ng ayuda sa ilalim ng programang Rice Farmers Financial Assistance o RFFA.

Ayon kay DA Secretary William Dar, ayon sa isinumiteng datos sa kanilang ahensya ay tinatayang nasa 43,000 ang bilang ng mga magsasaka dito sa probinsya na pinaka naapektuhan ng pagbagsak ng presyo ng palay bunsod ng Rice Tariffication Law o RTL.

Ani Dar, ang nasabing programa na layuning makapagbigay ng ayuda sa mga most affected farmers sa buong bansa ay may pondong nagkakahalaga ng P219-M na galing sa mga sobrang budget ng gobyerno.

Target din aniya na maipamahagi pa ang kabuuan ng RFFA  sa iba pang mga magsasaka dito sa lalawigan sa susunod na buwan at patuloy pa rin ang pag-aaral ng kanilang ahensya kung sino ang mga maaari pang mabigyan ng cash assistance bukod sa mga rice farmers gaya ng mga local government units na tumutulong sa mga magsasaka para maibsan ang pasanin ng mga ito sa mababang presyo ng palay.

Sa amin namang panayam kay Cuyapo Mayor Florida Esteban, malaking tulong para sa kanyang mga nasasakupan ang tulong pinansyal na natanggap ng mga ito dahil batid niya ang pag-aray ng mga kababayan niyang magsasaka dahil sa RTL.

Kabilang sa mga nakatanggap ng financial assistance ay sina Mang Arturo at Aling Teresita na kapwa residente sa ScienceCity of Muñoz na natuwa sa tulong pinansyal dahil kahit papaano aniya ay maipandadagdag nila sa kanilang puhunan para sa second crop.

Bagamat malaki anila ang naging kanilang naging lugi noong nakaraang anihan ay patuloy pa rin silang magsasaka dahil wala naman silang ibang mapagkukunan ng pantustos sa kanilang pamilya. –Ulat ni Jessa Dizon

Watch – Mga magsasaka sa anim na lugar sa Nueva Ecija, pinagkalooban ng cash assistance ng DA


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *