Mga magsasaka sa Nueva Ecija, umaangal sa mababang presyo ng palay

Umaangal ngayon ang mga magsasaka dito sa Nueva Ecija dahil sa mababang presyo ng palay na ayon sa kanila ay nasa sampung piso hanggang labinlimang piso na lang ang bawat kilo.

Sa pag-iikot ng Balitang Unang Sigaw sa iba’t ibang bayan at lungsod dito sa lalawigan ay inalam namin ang saloobin ng mga magsasaka na nagrereklamo sa mababang presyo ng palay ngayon na umaabot na lamang sa P13 – P15 ang bawat kilo.

Para kay Aling Merlie Ferrer, may-ari ng isang sakahan sa Sta. Rosa nakakalungkot na balita ito lalo sa mga magsasakang nangungutang lang ng pampuhunan dahil wala na halos kikitain ang mga ito.

Sa opinyon naman ni Marvin Beley, isang magsasaka, pasakit talaga ito dahil hindi biro ang dinadanas nila sa bukid na pagod at init ng araw para lang kumita ng kakarampot at ngayon ay wala na talaga silang kikitain dahil dito.

Nangangamba naman si Mang Danilo Saquiaben na baka mahinto sa pag-aaral ng kolehiyo ang kanyang anak kapag bumaba pang lalo ang presyo ng palay dahil wala na silang unabis na tutubuin. Sa kasalukuyan ay naglalaro na lamang sa P13 – P15 ang kilo ng palay at pinangangambahang baka bumaba pa P10 sa darating na anihan bunsod ng pagdagsa ng imported na bigas sa bansa dahil sa rice tariffication law.

Kung ipapalagay na nasa 100 kaban ang aanihin sa isang ektaryang sakahan at ibabawas rito ang gastos na nasa humigit kumulang P30,000 nasa P35,000 – P45,000 na lang ang kikitain ng magsasaka sa isang ektaryang taniman.

Kapag hinati ito sa anim na buwan ay nasa kulang P6,000 hanggang P9,000 na lang ang pagkakasyahing panggastos ng isang payak na magsasaka kada buwan.

Sa aming eksklusibong panayam kay National Food Authority R3 Regional Dir. Piolito Santos, sinabi nito ang pangunahing sanhi ng pagbaba ng presyo sa palay ay dahil sa pagkakapasa ng Rice Tariffication Law na inimplementa na kahapon, March 5, 2019.

Dahil dito ay mawawalan na ng kontrol ang NFA sa paglilisensya at pagrerehistro sa mga establisyimentong konektado sa grains business at gayundin ang paghuli sa mga nagtitinda ng bigas sa merkado na sobra-sobra kung magpresyo.

Dagdag pa ni Santos, hanggang August 2019 na lang pwedeng bumili ng bigas ang mga retailers sa NFA kaya naman pagkatapos nito ay wala nang mabibiling abot-kayang NFA rice sa merkado.

Inanyayahan naman ni Santos ang mga local farmers dito sa lalawigan na magbenta ng palay sa NFA na binibili nila sa halagang P20.70 per kilo para sa clean and dry palay dahil target ng ahensya na makaipon ng 2.5M bags ng palay ngayong taon. –Ulat ni Jessa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *