Mga magsasakang naapektuhan ni Ompong sa bayan ng Talavera at Sto. Domingo, nakatanggap ng libreng abono

Nakatanggap ng libreng ammoniun sulfate na abono ang mga magsasaka sa bayan ng Talavera at Sto. Domingo na naapektuhan ng bagyong Ompong.

Bilang pagsuporta  ay ipinamahagi ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pangunguna ni Governor Cherry Umali at Pamahalaang Bayan ng Talavera sa pamumuno ni Mayor Nerivi Santos ang sako-sakong pataba para sa mga magsasaka.

Sa mensahe ni  Councilor Renieleo Dayo Committee on Agriculture sa Talavera, umabot sa halos labing dalawang million ang nasirang pananim na palay at gulay sa bayan ng Talavera ng manalasa ang bagyong Ompong.

Masaya namang tinaggap ng mga magsasaka sa bayan ng Talavera ang mahigit isang libo at apat na raang sako ng ammoniun sulfate fertilizer.

Hiling ng Pamahalaang Bayan ng Talavera sa Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija na gawing Gulayan Capital of Nueva Ecija ang kanilang bayan, dahil sa limang taon na nitong hindi pinoproblema ang gulay tulad ng talong, sili at kamatis.

Ayon kay Konsehal Nel Rayo tinituruan nila ang kanilang mga kababayan na mag-tanim ng gulay sa kanilang bakuran upang maging sapat ang pagkain sa kanilang bayan.

Dagdag pa nito, nakasuporta at nakikipagtulungan sa kanila ang mga magsasaka at mamamayan ng Talavera upang makamit ang hinihiling na pagkilala sa kanilang bayan.

Sa mensahe naman ni Mayor Nerivi kasama ang mga magsasaka ay patuloy na umuunlad ang bayan na kaniyang nasasakupan.

Kasabay din ng pag-unlad na ito ang pagdami ng mga negosyo at pagsigla ng komersyo sa naturang bayan.

Samantala, tatlong daan pitumpu’t limang sako naman ng ammoniun sulfate fertilizer ang natanggap ng mga magsasaka sa bayan ng Sto. Domingo.

Nagpasalamat naman si Erlinda Toledo representative ng mga magsasaka sa Sto. Domingo, aniya dapat ay huwag mawalan ng pag-asa, kahit anong kalamidad o pagsubok ang dumating sa mga panananim ay laging nakaalalay ang gobyerno sa magsasaka upang mapaganda at mapataas ang ani ng mga ito.

Habang makabagong teknolohiya naman ang isinusulong ni Engineer Dante Sabacan Municipal Agriculturist ng Sto. Domingo, tulad ng agricultural drone na may kakayahang makadetek ng pagkasira ng halaman o pananim upang mabigyan agad ito ng solusyon.- Ulat ni Amber Salazar

 

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *