Mga magsasakang nabigyan ng libreng binhi ng palay, inaasahan ang maagang ani ngayong main crop

Maaga at masaganang ani ang inaasahan ng mga magsasakang nabiyayaan ng libreng binhi ng palay mula sa Department of Agriculture  o DA Regional Office 3 sa ilalim ng kanilang programang “Maagang Tanim, Masaganang Ani Hybridization.”

Isa ang magsasakang si Mang Jaime Laysa Jr., mula sa Mataas na Kahoy, Gen. Natividad sa mga maswerteng nabigyan ng libreng hybrid na binhi na malaki ang naging pasasalamat a naturang programa dahil nakatipid aniya siya sa pagbili ng binhi sa kanyang limang ektaryang sakahan.

Lubos namang nagpapasalamat si Mang Enrique Gallardo na pangalawang taon nang nakatatanggap ng hybrid na binhi mula sa DA dahil aniya ay pang upa sa patanim na lang ang kailangan niyang intindihin at nakadagdag din ito sa kanilang kita dahil mas madami ang naaning palay sa hybrid kumpara sa mga lokal na barayti.

Sa aming panayam kay Provincial Agriculturist Serafin Santos, nasa mahigit kumulang sa 10,000 ektarya ng palayan o 10,000 bags ng hybrid na binhi ng palay ang naipamahagi sa mga bayan ng Talavera, Llanera, Gen. Natividad at Lungsod ng San Jose.

Ayon pa kay Santos, layunin nito na matulungan ang mga magsasaka na maiiwas sa sakuna ang kanilang mga pananim na palay lalo na sa panahon ng tag-ulan at mapaangat ang produksyon nito sa pamamagitan ng ligtas at maagang pag-ani.

Bukod sa Office of the Provincial Agriculturist ay naisakatuparan ang naturang programa sa pakikipagtulungan ng National Irrigation Administration – Upper Pampanga River Integrated Irrigation System o NIA – UPRIIS kung saan ang kanilang ahensya ang namamahala sa sistema ng patubig sa mga palayan na nabigyan ng libreng binhi. –Ulat ni Jessa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *